Paano ba umibig?

on Wednesday, April 18, 2012
Paano ba umibig?
Sapat na ba
na tuwing umaga siya ang iyong kayakap?
O 'di kaya, maghapong kausap sa telepono?

Sasapat din ba ang ilang kilometerong paglalakad
masilayan lamang ang kaniyang ngiti.

Matatawag na bang pag-ibig
kung siya'y laging nasa isip?

Pag-ibig na nga bang masasabi
Kung siya ang palagi mong katalumpati,
kadebate at kaulayaw
sa bawat dahilan,
kung paano,
para saan
at bakit
umiinog
ang
mundo.

Pag-ibig bang masasabi
kung ang bawat tibok at lukso
ng iyong puso,
kapag siya
ang iyong nakikita
sa reyalidad at maging sa panaginip.

O, masasabi bang ang pag-ibig
ang dahilan
kung bakit araw-araw kang gumigising sa umaga
at
dahilan nang pagpikit ng mata
hanggang sa pagpapahinga
dahil sa pagkahapo
ng buong katawan
sa buong araw.

Ilang tanong ng isang babaeng naghahanap ng pagmamahal.


April 18, 2012
Pagbagtas sa sangang-daan

Para sa aking kapitbahay

Anong silbi ng tubig
sa naglalagkit na katawan
dulot ng paglalaro?

Nariyan ang ilog upang magtampisaw.
Magpakalunod sa galak,
habang hindi pa nalutang ang mga isda,
makipag-ulayaw
sa puno
at i-ukit ang habang-buhay
na pagsinta

kay

Bathala.


Abril 18, 2012
Proj. 2, Quezon City

likod-bahay

Nais ko pumunta sa bukid
ngayong tag-araw.

Maglalatag ng banig
Sa ilalim ng puno.

At ipipinta
ang
pinapayapang linang
na dating
masiglang
nakakapaghabulan
ang mga bata at alagang aso.

Ganitong oras din,
Ilang minuto
bago magtakip-silim.


Abril 18, 2012
Philcoa, QC