KOMUNISTA[yl]

on Sunday, November 7, 2010
Napapabansot ang kanilang ipinaglalaban at napapalabnaw ang konsepto ng dalawa bilang mga popular na mga lider-rebolusyonaryo dahil kung sino pa ang pangunahing taong nagtataguyod na ibagsak ang kapitalismo sa kanilang bansa ay sila pa ang ginagamit ng mga kapitalista.


Nakakatuwang isipin, patok sa mga kabataan ang imahe nina Mao Tse Tsung at Che Guevarra. Sa murang halaga makakabili sa mga bangketa ng body bag, t-shirt, pin button, sombrero at mug na may nakaimprentang mukha nila.

Pero ang nakakalungkot dito, kapag tinanong mo kung sino ang mga mukha sa kanilang gamit, pangalan lang tanging maisasagot nila.

Tunay na mukha nina Mao at Che

Si Mao Tse Tung o mas kilala bilang Mao na taga-Shaoshan, Hunan isa sa mga probinsiya sa Tsina ay nagmula sa pamilya ng mga pesante, ipinanganak noong Disyembre 26, 1893.

Sa edad na 27 sumapi siya sa 1st Congress of the Chinese Communist Party (CCP) sa Shanghai noong Hulyo 1921. Sina Li-Tao Chao at Chen Tu-Hsui, ang dalawang taong may malaking impluwensya sa kaniyang paniniwala, prinsipyo sa buhay at nagtatag ng CCP na kaniyang pinamunuan.

Noong Oktubre 1934, nagsimula ang kanyang pagmamartsa simula Timog-Silangan hanggang Hilagang-Kanlurang Tsina at tinawag ni Mao itong “Long March”. Ang pagiging agresibo ng Japan noong 1937 laban sa Tsina ay siyang nagbigay daan upang magkaisa ang CCP laban sa nasyonalistang puwersa ng Koumintang.







Nagbuo din si Mao ng isang hukbo na kung saan hinihikayat niya ang mga manggagawa at pesante na mag-alsa na tinawag na Autumn Harvest Upspring. Subalit ito ay nabigo, kaya napilitan siyang bumalik sa kabundukan ng Chingkangsa at nahimok na magtatag ng panibagong pag-aalsa na sa kalaunan ay kanilang napagtagumpayan.

Ang pakikibahagi ni Mao sa giyera laban sa Hapon, Digmaang Sibil sa Tsina, ang pagkakatatag ng People’s Republic of China noong Oktubre 1, 1949, ang Great Leap Forward (1958-62) kung saan humigit kumulang 30 Milyon na Tsino ang nagbuwis ng buhay para sa rebolusyong Tsina, ang Great Proletarian Cultural Revolution (1966) kung saan sinasanay dito ang mga bagong henerasyon na maging isang rebolusyonaryo at ang Cultural Revolution ay ilan lamang sa mga malaking kontribusyon niya sa kasaysayan ng Tsina hanggang sa mamatay sa pakikipaglaban noong Setyembre 9, 1976.

Katulad ni Mao, Marxista, lider-rebolusyonaryo at isang gerilya naman si Che Guevarra o Ernesto Rafael de la Serna Guevarra sa tunay na pangalan. Sinilang sa Rosario, Argentina noong Hunyo 4, 1928. Kumuha at nagtapos ng kursong medisina sa University of Buenos Aires Medical School noong 1953.

Dahil nakita niya ang tunay na kalagayan at paghihirap ng kaniyang kababayan naglakbay siya noong 1951 sa Sentral at Timog Amerika at ito ang nagpatindi sa kanyang pag-aaral tungkol sa mga teorya ni Karl Marx at napabilang sa Guatemala’s Social Revolution sa ilalim ng hukbo ni Presidente Jacobo Arbenz Guzman.

Taong 1959 nagtagumpay ang mga mamamayan sa pagpapabagsak sa diktaturyang Fulgencio Batista ng Cuba kung saan pinasimulan nila ni Fidel Alejandro Castro Ruz, dating punong ministro sa Cuba noong 1961. Nagsilbi siyang isang doktor at hindi naglaon naging kumandante ng rebolusyon.




Sinuportahan niya ang rebolusyon at dinadala ng taktika ng gerilya sa Congo ngunit nasubaybayan ng US Army Special Forces ang bawat operasyong militar na kanyang isinasagawa kaya hindi ito nagtagumpay. Umalis siya ng Congo para mag-ipon ng mas malakas na puwersa sa pamamagitan ng paggamit ng isang pekeng pasaporte para makarating ng Bolivia para pabagsakinang maka-US at militar na pamumuno ni Victor Paz Estenssoro, na tubong Tariha.

Sa tulong ng Central Intelligence Agency (CIA) nadakip si Che ng Bolivian Army noong ika-8 ng Oktubre 1967 hanggang sa patayin siya kinabukasan malapit sa Vallegrande na kung saan pinutol ang isang kamay para maging tanda ng kaniyang kamatayan. Makaraan ng 30 taon ibinalik ang kaniyang bangkay sa Cuba.

Komersyalisadong mga mukha

Kadalasan, maraming kabataang Pinoy ang natatali sa konseptong kung ano ang sikat, astig at kung ano ang mas sikat, mas astig. Natatabunan ng kagustuhang makasunod sa uso ang pag-alam, pag-aanalisa sa bagay na kanyang tinatangkilik.

Sina Mao at Che ay mga komunista na nagpasimula ng rebolusyon sa kani-kanilang bansa para makamit ang pagbabago. Ang pagiging popular nito sa kabataan ay nagdudulot ng malaking ganansya sa mga kapitalista at malaki din ang tansyang maging komon na lamang ito. Napapabansot ang kanilang ipinaglalaban at napapalabnaw ang konsepto ng dalawa bilang mga popular na mga lider-rebolusyonaryo dahil kung sino pa ang pangunahing taong nagtataguyod na ibagsak ang kapitalismo sa kanilang bansa ay sila pa ang ginagamit ng mga kapitalista.

Ngayong nakilala mo na ang mga mukha sa ‘yong kagamitan at nalamang sila’y mga komunista; tulad ng mga taong tinutugis ngayon ng mga military sa basbas ng all-out-war na pinaglaanan ng isang bolyong piso ng gobyerno, susuotin o gagamitin mo pa kaya ang ‘yong kung tawaging “astig” na damit, sombrero, bag, pin button at mug?

Ang pagiging astig ay wala sa porma, sa kasalukuyan, ang astig ay silang handing masaktan o mamatay alang-alang sa karapatan at pagbabago.

Unang inilathala
EARIST Technozette
(Official Student Publication of EARIST)
Tomo 27, Bilang 1
Hunyo-Hulyo 2006


0 mga pandadaot:

Post a Comment