Mas mahaba ang oras na ating ginugugol sa pagtutok sa TV at isinasantabi ang mas mahahalagang bagay tulad ng pagsusuri at pagpuna sa mga pangyayari sa ating lipunan.
Patok na patok ngayon sa mga Pinoy ang panunuod ng mga mala-fairy tale na istorya sa telebisyon. Mga pantasyang palabas na ang bida ay may taglay na kapangyarihan kung saan sa isang iglap ay pwedeng magawa ang imposible sa reyalidad. Tila dito ibinabatay ng mga Pilipino ang hirap ng buhay na hindi na nila alintana sapagkat naaaliw sila sa sinusubaybayang palabas.
Kasama na sa buhay ng bawat Pilipino ang panonood ng mga ito tuwing gabi, bata man o matanda. Lalo pa itong inaabangan ng mga manunuod kapag ang mga gumaganap na karakter ay ang mga iniidolo nilang popular na artista sa kasalukuyan. Kasabay ding inaantabayanan ang mga trivia questions na may kalakip na malaking halaga na papremyo.
Komiks patungong TV
Nag-ugat ang istorya ng mga pinapanuod nating mga telepantasya sa komiks. Ito ay halaw sa imahinasyon o kathang-isip, na noong dekada otsenta ay sinubaybayan ng maraming Pilipino at naging paboritong libangan ng masa.
Ang Captain Barbel, Darna, Pedro Penduko, Panday at ang pumapatok ngayong si Bakekang ay ilan lamang sa mga serye noon sa komiks na ipinapalabas ngayon sa telebisyon. Muling isinasabuhay nito ang mga karakter na may taglay na kapangyarihan na likha ng mga magagaling na kuwentista tulad halimbawa ni Mars Ravelo.
Nakakaaliw panoorin ang gaya ni Captain Barbel na sadyang pinagkagastusan ang suot na costume dahil sa gawa pa nito ng sikat na Amerikanong designer na sa katunayan ay siya ring may likha ng kasuotan ni Batman. Patok na patok na nga sa bawat pamilyang Pinoy ang ganitong mga palabas na mas kilala bilang Pantaserye.
Ang mga pantaserye ngayon ang nagsisilbing tulay ng mga manunuod sa mundo ng pantasya na kinapapalooban ng mga pangunahing tauhan. Isang mundo kung saan binubuhay ng malilikot na imahinasyon ng batikang director at teknolohiya ang mga modernong bida at kontra-bida. Sa daloy ng istorya, may bahagyang pagbabago dito mula sa mga orihinal na kasuotan ng mga bida at mapapansin din na mas makabago ang mga kapangyarihan ng mga karakter na nakakaakit sa bawat eksena dala ng mga mas advance na special effects.
Komersyalisasyon sa likod ng istorya
Madalas, hindi natin napapansin na habang tumatagal ay mas lalo nating kinasasabikan ang bawat eksena. Naiinis tayo kapag nasa climax na ng eksena at biglang magkakaroon ng patalastas, kung minsan naman napag-aantay o tumitigil pa tayo sa pagkain ng hapunan. Ganito kalakas ang impak ng mga pantaserye ngayon.
Tuwang-tuwa tayo sa ating mga pinapanood, kinikilig kapag ang mga sikat na love teams sa showbiz ang pinagpapareha sa mga ito. patuloy nitong pinupukaw ang imahinasyon ng bawat manonood. Sa kalaunan, hindi lamang ang palabas ang tinatangkilik ng mga Pinoy, kundi pinagkakagastusan na rin nila ngayon ang mga memorabilia na may kinalaman sa paborito nilang pantaserye. Makikita ang mga karakter nito na naka-imprenta sa mga damit, mug at bag na ginagawang pang-akit sa mga kabataan upang higit na mabenta ang produkto.
Ang ABS-CBN, GMA at iba pang malalaking istasyon sa telebisyon ang tumatabo ng malaki sa mga pantaserye dahil sa pagkokomersyo ng mga ito hindi lamang sa ating bansa kundi pati na rin sa mga Pinoy sa ibang bansa na sumusubaybay dito. Kaya naman walang humpay ang mga istasyong ito sa pagpapataasan ng rating bawat araw. Mas mataas ang rating, mas maraming kumpanya ang magkakandarapa para i-advertise ang kanilang produkto sa nasabing programa.
Mapapansin na halos mas mahaba pa ang oras para sa mga patalastas kaysa istorya. Dito, siguradong nagkakamal ng malaking ganansya ang mga kapitalistang may-ari ng mga istasyon.
Tunggalian sa loob at labas ng telebisyon
Di man aminin ng bawat Pinoy, ang kinaaaliwan nating telepantasya ay malayung-malayo sa reyalidad. Dito, maaaring gumamit ng mahika ang bida para gawin ang anumang gustuhin nito. Kahit na minsan sumasalamin sa isang karakter ang mga pangyayari sa totoong buhay, nagsisilbing pang-akit lamang ito sa maraming manunuod upang tangkilikin ang kanilang palabas.
Sa panahon ng modernong teknolohiya, masasabing high-tech ang mga palabas ngayon, isa pa ring dahilan upang mas malaking bilang pa ng masang Pinoy ang mahumaling dito.
Sa pagbabagong ito, ipinapakita na sinasapawan na ng kulturang dayuhan ang kulturang Pilipino. Gawa ng makabagong teknolohiya, naging kolonyalisado na rin an gating mga bida. Nagagawang palitan ang mga super powers ng bida na katulad ng sa banyagang super heroes, di katulad ng dati na sa simpleng paglunok ng bato at pagtaas ng barbell ay nakakapagpalit-anyo na ang mga bida.
Unti-unting ding inaagaw nito an gating atensyon mula sa mga mas importante at kapaki-pakinabang na mga bagay na dapat nating unahin. Mistulang ginagawa tayong mga bata sa paulit-ulit at halos pare-parehong takbo ng istorya ng mga pantaserye. Pinapaliit nito ang ating mundo, dahil sa ating panunuod ay kinukulong tayo nito sa apat na sulok ng telebisyon na kung saan patuloy na tinatapakan ng mga mahika ang tunay na kundisyon ng ating buhay sa reyalidad.
Mas mahaba ang oras na ating ginugugol sa pagtutok sa TV at isinasantabi ang mas mahahalagang bagay tulad ng pagsusuri at pagpuna sa mga pangyayari sa ating lipunan.
Mapapansing bukod sa nagiging biktima tayo ng komersyalismo, isa rin itong malinaw na indikasyon ng pagtatago ng tunay na kalagayan ng ating bansa at lipunan. Tahasan nitong tinatakpan ang kahirapan ng buhay at kawalan ng kakayahang magkaroon ng mas mataas na antas ng pamumuhay ng bawat manunuod sa pamamagitan ng mga mahikang taglay ng mga tauhan.
Sa kalaunan, ang bawat manunuod ay tuluyan nang tumatakas sa reyalidad. Imbes na mamulat ang pananaw sa mga kaganapan at kapangyarihang nasa likod ng kanilang paghihirap at sa bulok na sistemang umiiral sa lipunan. Nanatiling bingi at bulag ang mga ito sa katotohanan. Sa terminong sosyal at pangkomunikasyon, ang tawag dito ay “escapist” mentality.
Unang inilathala
EARIST Technozette
(Official Student Publication of EARIST)
Tomo 27, Bilang 2
0 mga pandadaot:
Post a Comment