Ang pag-iimplementa ng ROTC bago pa man ito palitan ng CWTS at LTS, ay isa lamang counter-insurgency na ideya sa loob ng kampus.
Ang usaping pag-aabolish sa Reserved Officers Training Course (ROTC) ay mabigat na pinagdedebatihan sa kasalukuyan. Bago pa man naisiwalat ni Mark Chua ang katiwaliang nangyayari sa loob ng ROTC, marami nang pagtatangka ang ginawa upang tuluyan nang mapawalang bias ang rekisito sa pagkuha nito.
Unti-unti itong nababalewala dahil sa ‘di pagtangkilik dito ng maraming estudyante. Isa sa mga posibleng dahilan dito ay ang hirap na dinadaraanan ng isang kadete sa ilalim ng military training, isang beses sa isang linggo. kasama ditto ang mahabang oras na pagbibilad sa araw at walang katapusang demerits sa bawat maling galaw nila, kasama na ang mga alegasyong may hazing na ginagawa diumano sa mga baguhang kadete.
Ano nga ba ang tunay na dahilan kung bakit nalalagas ag mga miyembro ng sinasabi nilang mga kabataang tagapagtanggol ng ating bansa?
ROTC bilang opsyunal
Ika-5 ng Marso taong 2001, nang kidnapin at patayin si Marck Chua, isang estudyante at Sergeant Officer ng ROTC sa University of Sto. Thomas (UST) matapos ang kanyang exposѐ tungkol sa panunuhol korapsyong ginagawa ng ilang matataas na opisyal ng ROTC sa kanilang unibersidad.
Noong taon ding iyon, ilang buwan matapos ang insidente, isinulong ng ilang sektor ang pagpapawalang bisa sa ROTC Program. Ito ang naging resulta ng pagsilang ng National Service Training Program na may tatlong sangkap, ang ROTC, Literacy Training Service (LTS) at Civic Welfare Training Service (CWTS) sa ilalim ng Republic Act 9163 (National Service Training Program Act of 2001) na inaprubahan ni Pangulong Arroyo.
Ang mga mag-aaral ay maaaring pumili alinman sa tatlong bagong programa. Malinaw na nakasaad sa nasabing batas, Establishment of the NSTP, “…(1) the Reserved Officer’s Training Corps (ROTC), which is hereby made optional and voluntary upon, the effectively of this Act…” kung saan mariing binigyang pansin dito na opsyonal at kusang-loob ang pagpili sa ROTC. Agad itong ipinatupad sa lahat ng paaralan bilang pangunahing rekisito upang makapagtapos sa kanilang napiling kurso, teknikal man o bokasyonal.
Pero ilang mga estudyante ang hindi rin nagkakaroon ng pagkakataong pumili rin nagkakaroon ng pagkakatong pumili sapagkat pagdating ng enrolment, sinasabing sarado at ubos na ang slots para sa CWTS na nagiging dahilan kaya napipilitan ang ilang na kunin ang ROTC. Sa isang panayam ng EARIST-Technozette (ET) kay Mike Anthony Solo, ROTC Company Commander sa EARIST, nakumpirma ngang bumababa na ang bilang ng mga nag-eenrol ng ROTC dahil sa mas maraming kumukuha sa CWTS at LTS.
Student Intelligence Network (SIN)
Ang CWTS at LTS nga ba ang tunay na dahilan kung bakit bumababa ang bilang ng kumukuha ng ROTC?
Ayon sa Tanggulan Network, isang alyansa ng mga kabataan na nagtataguyod ng human rights and civil liberties, ang pag-iimplementa ng ROTC bago pa man ito palitan ng CWTS at LTS, ay isa lamang counter-insurgency na ideya sa loob ng kampus. Napatuyan din na sa ilalim ng pamamalakad ng ROTC nagkakaroon ng Student Intelligence Network (SIN) na kung saan ang pangunahing gawain nito ay maniktik sa mga organisasyon sa loob ng paaralan. Ito ay sa pamamagitan ng pagtatalaga ng Department of Military Science and Tactics (DMST) unit sa loob ng mga paaralan, nang walang konsultasyon sa school administration.
Binigyan diin ng Tanggulan na nagsimula ang pag-rerecruit ng mga kadete ng ROTC para maging SIN noong taong 2001. Sila ay obligado at inaatasang mag-report, kilalanin at pumasok sa mga tukoy na organisasyon sa mga activist-hotbeds ng mga paaralan tulad ng University of the Philippines (UP) at Polytechnic University of the Philippines (PUP).
Dagdag pa, ibinunyag din ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), isang alyansa ng publikasyong pangkolehiyo, na ang SIN ay isang sikretong element ng ROTC na siyang nagbabantay sa mga militanteng organisasyon katulad ng Anakbayan, League of Filipino Students (LFS), kabilang ang mga fraternities, councils at mga publikasyon.
Ang mga DMST units, bilang lokal na headquarters ng ROTC sa loob ng kampus, ang nagsisilbing kuta para madaling mabantayan ang mga nasabing organisasyon at publikasyon. Dito palihim nilang tinitiktikan ang bawat galaw at mga planong aktibidad ng mga militanteng grupo ng kabataan sa loob ng mga paaralan.
Katotohanan sa likod ng ROTC
Ang kaso ni Mark Chua at pagkakaroon ng SIN sa mga paaralan ay isa sa mga mabigat at pangunahing dahilan para puspusang i-abolish ang ROTC. Kung mananatali ang ROTC ito ay nangangahulugan lamang na mas lalakas ang presensya ng military sa loob ng mga pampubliko at pribadong paaralan.
Gayun din ang pagkakaroon ng mas malakas ng puwersa ng SIN na siyang kamay ng militar para magmasid at kumuha ng mga personal na impormasyon ng mga tipikal na estudyante, janitors, mga guro at lider-estudyante lalo na kapag sila ay may inilulunsad na mga aktibidad at programa.
Disiplina at pagka-makabayan ang mga pangunahing layon na nais itatak sa bawat estudyante na sumasailalim ng ROTC. Ngunit tila hindi ito ang natututunan nila matapos ang dalawang semestre sa military training dahil ayon kay Fr. Rolando dela Rosa ng Order of Priests at dating rector ng UST, “The ROTC has outlived its usefulness. As its name suggests it is a course for “reserved officers” but now resembles an obedience school for the canine spieces. Like Pavlov’s conditioning their dogs, accompanied with a threat of punishment, like push-ups, squats or squat thrust.”
Aniya patunay lamang na hindi patriyotismo ang natututunan ng bawat kadete, kundi takot at pagsunod sa mas mataas ang ranggo sa kanila. Dagdag pa ni Fr. Dela Rosa, “Besides these, they also learn the tricks and trade of bribery, graft and corruption and a foretaste of military brutality.”
Kung pag-aaralan, sa halip na pagtuunan ng gobyerno ang pagsulong ng de-kalidad na edukasyon sa paglalaan ng mas mataas badyet, malinaw na nagagamit ang ROTC sa mga pansariling interes ng mga namamahala sa gobyerno upang tiktikan ang mga organisasyong kritikal na nagsisiwalat ng mga kabulukan dito.
Akda nina:
Anna Tolentino
Julie Ann Gebuilaguin
Unang inilathala
EARIST Technozette
(Official Student Publication of EARIST)
Tomo 27, Bilang 2
Agosto 2006
0 mga pandadaot:
Post a Comment