kay Benedict*

on Friday, November 5, 2010
Sa pinagtagpi-tagping dyaryo mo iginuhit
Ang libo-libung maralitang nawalan ng tirahan.

Buong sigla kang tumulong sa mga kaibigang
naghahanda sa preparasyong gaganapin bukas.

Iyong pinturahan ang malaking barkong
sasagasa sa inyong baryo at mga karatig-baryo.

At bukas ng tanghali,
Isang palabas na alay para sa iyong ka-pamilya,
kapit-bahay, ka-laro, kasama’t kaibigan
Kung ano ang lipunang ating ginagalawan.

*para sa isang kaibigan at biktima ng demolisyon sa Tondo

May pera sa gera, wala sa eskuwela

1 biLyong piso para sa all-out-war

2 taon upang sugpuin ang rebeldeng komunista

3 lider-estudyante ang dinukot sa bulacan na hindi pa rin nakikita

4 na taon pa ang paghihirap ng mga iskolar ng bayan sa rehimeng Arroyo

5 o marami pang kabataan ang puputok ang ulo o mababalian ng kamay dahil sa pag-gigiit ng karapatan sa Edukasyon
6, 
   7,
      8,
   9,
10…

o higit pa dahil padagdag ng padagdag ang bilang ng mga kaso sa pulitikal na pamamaslang


Unang inilathala
EARIST Technozette
(Official Student Publication of EARIST)
Tomo 27, Bilang 1
Hunyo-Hulyo 2006

Asan ka noong nakaraang pasko?

Naging abala ang marami
sa paggawa,
pagbebenta at pagbili
ng mga palamuti na isasabit sa
kani-kanilang bahay.

Habang ang pamilya ni Karen EmpeƱo,
ay abala sa pagsabit ng “MISSING”
sa labas ng kanilang tirahan;
Hindi Krismas layts, kundi kandila
ang sinindihan ng kaanak ni Sherlyn Cadapan;
Sa hapag na may hamon at keso de bola,
plato ni Jonas Burgos ang walang laman.