Biyaheng Ewan: Pawis laban sa langis

on Saturday, November 13, 2010
“Ang sa amin lang naman, ang gobyerno ang talagang may pagkukulang sa amin lang naibubunton, pare-pareho lang naman tayong napagsasamantalahan ng sistema”

Nakaririndi na ang mga deklarasyon ng Malakanyang na umuunlad ang ekonomiya ng Pilipinas. Ngunit nananatiling hindi nararamdaman ang pag-unlad ng isang karaniwang mamamayan, ayon na rin sa resulta ng mga isinagawang sarbey at mga pag-aaral ng mga ekonomista. Sa patuloy na pagsadsad ng kabuhayan at matinding kagutuman sa bansa, dumagdag sa pasanin ng mamamayang Pilipino ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis.

Dati nasa P2.50 lamang ang pamasahe, pero dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan, naging P4.00 ito taong 1999. Hanggang umabot na sa P7.50 ang minimum fare nang taong 2005 at hanggang sa kasalukuyan (P6.00 kung ikaw ay estudyante o senior citizen) sa panunungkulan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (PGMA).

Krisis sa langis

Sa kasalukuyan, patuloy na paglobo ng presyo ng langis at iba pang produktong petrolyo. Kakulangan sa suplay ng langis ang itinuturong pangunahing dahilan na siyang nagbubunsod ng pagtataas ng presyo ng malalaking dayuhang kompanya ng langis. Ngunit ayon mismo sa Oil Market Report na inilabas ng International Energy Agency (IEA), ang mga ito ay pawang mga ispekulasyon lamang sapagkat tinatayang nasa 1.3 trilyong bariles ng reserbang langis sa mundo na sasapat upang matugunan ang pangangailan sa loob ng 42 taon.

Dagdag pa, sanhi rin ng pagtaas ng langis ay ang Gerang agresyon ng United States (US), ispekulasyon at manipulasyon sa suplay ng mga monopoly sa industriya ng langis. Tinatayang 56% ng reserbang langis ay nasa Persian Gulf na binubuo ng Bahrain, Iran, Iraq, Kuwait, Qatar, Saudi Arabia at United Arab Emirates na pangunahing pinanggagalingan ng suplay ng langis.

Kung matatandaan, nagkaroon ng giyera sa pagitan ng US at Iraq noong Marso 2003 at ang tanging dahilan nito ay ang malaking minahan ng langis sa Iraq. At kasalukuyan naman, pinupuntirya ng gobyernong US ang Iran at iba pang bansa sa Gitnang Silangan Asya.

Samantala, ang mga malalaking Transnational Corporations (TNCs) sa pangunguna ng Exxcon Mobil (US), British Petroleum (United Kingdom), Royal Dutch (UK-Netherlands), Chevron Texaco (US) at Total (France) na pawang mula sa US at Europa ang nagdidikta ng presyo ng langis sa buong mundo. Monopolyado nito ang produksyon, refinery at marketing mula sa oil fields, yankers, barges, depoy, retailers, tank trucks at maging advertising companies.



Sa pamamagitan ng taktikang ito ay kayang-kayang i-manipula ng mga TNC ang suplay ng langis ng walang kahirap-hirap.

Maging ang mga bansang kasapi ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) ay pumapasok sa kontra ng TNC sa proseso ng pagrerepina at pagbebenta. Kung kaya’t kontrolado pa rin ng TNC ang suplay ng langis at presyo nito sa pandaigdigang pamilihan na nagbubunsod ng walang humpay na paglobo ng presyo ng langis at iba pang produktong petrolyo.

Pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis sa bansa ay dahil import dependent ang Pilipinas sa langis, kartel sa industriya ng langis at deregulasyon.

Ang mga lokal na pamilihan ng langis ay kontrolado ng monopoly sa pandaigdigan ng langis. Ang Pilipinas Shell ay yunit ng Royal Dutch, ang Caltex Philippines ay pag-aari ng Chevron Texaco habang ang Petron Corporation ay 40 porsyentong pag-aari ng Saudi Aramco, kung saan may malaking impluwensya ang Exxcon Mobil.

Bago pa man makarating ang produktong petrolyo sa mga gasoline sa Pilipinas, ay sobra-sobra na ang ipinapatong na bayarin mula sa mga parent companies sa ibang bansa gaya ng royalities, mangament at service fees na ibinabalik ng mga kaalyado o affiliates.

Naging madali pa sa mga malalakig kompanya ang pagtaas ng presyo ng langis dahil sa Oil Deregulation Law (ODL) sa pamamagitan ng RA 8479 o Downstream Oil Industry Deregulation of 1998. Pinagtibay pa ang ODL ang awtoridad at karapatan ng mga lokal na kompanya na magtaas ng presyo ng langis kung hanggang saan nila naisin. Ibig sabihin, walang magagawa at walang kapangyarihan ang gobyerno na pigilan at kontrolin ang anumang pagtaas ng presyo ng langis.

Ang kalunus-lunos pa, bunga nito tinatanggal ng ODL ang limitasyon ng tubo ng mga kompanya ng langis at kapangyarihan ng Energy Regulatory Board sa pag-apruba ng presyo, upang sag anon ay mawalan ng bisa sa mga public hearing, kung saan ipinapaliwanag ang dahilan ng pagtaas at pagtanggal ng subsidy ng pamahalaan sa LPG, kerosene at diesel.

Ayon sa praymer hinggil sa presyo ng langis na inilabas ng Anakbayan, “Sa loob lamang ng 10 taon na pagpapatupad ng deregulasyon, umabot na ng 62 rounds ang pagtaas ng presyo ng langis; samantalang umabot lamang ito ng 23 rounds sa loob ng 25 taon bago maitupad ang deregulasyon.”

“Direktang apektado ang mamamayang Pilipino sa bawat pagtaas ng presyo ng langis. Sapagkat, kapag nagtaas ang halaga nito, sunud-sunod na rin ang pagtaas ng pangunahing bilihin at bayarin,” paliwanag ni Eleanor de Guzman, pambansang tagapangulo ng Anakbayan.

Pasada ng buhay

Napakalaki ng epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa bawat mamamayang Pilipino. Ang mga pangunahing dulot nito ay ang mas mataas na halaga ng produksyon, mas mabilis na pagkaubos ng reserbang dolyar ng ekonomiya, pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo at paglaki ng gastusin sa pamumuhay.

Noong nakaraang buwan ng Nobyembre, apat na beses nang nagtaas ng tinatayang P1/litro ang gasoline at krudo, P.50/litro naman para sa diesel, habang halos mahigit P13.00 naman ang average na itinaas ng bawat tangke ng LPG.

Kaya naman, ibinalik sa P7.50 ang pamasahe sa mga pampublikong sasakyan. Lahat tayo ay apektado nito at minsan ang mga drayber ang napagbubuntunan ng sisi ng mga pasahero dahil hindi batid ng iba na maging ang mga drayber ay napagsasamantalahan din.

Gaya ni tatay Judy Manalang, 36 taong gulang, may asawa at dalawang anak na pinag-aaral sa elementary. Limang taon na siyang namamasada ng dyip at sa kasalukuyan ay bumabyahe ng Cubao-Divisoria ang ruta.

“Nakakaraos naman kahit paano at napagkakasya sa mga gastos araw-araw, pero ‘di nga lang makaipon,” daing ni tatay Judy. “Iisipin pa ang boundary at dagdag pa ang mas tumaas na presyo ng gasoline,” dagdag pa niya.




Kaya ayon na rink ay tatay Judy, napipilitan silang magdagdag  ng singil sa pamasahe dahil sa sitwasyong naiipit sila. “Ang sa amin lang naman, ang gobyerno ang talagang may pagkukulang sa amin lang naibubunton, pare-pareho lang naman tayong napagsasamantalahan ng sistema,” pagtatapos ni tatay Judy.

Kasapi din sa Pasang Masda (isang asosasyon ng mga tsuper na ang ruta ay Cubao-Divisoria) si tatay Jerry, 47 taong gulang, may asawa’t anak. Sa 28 taon niyang kasama ang manibela sa paghahanap-buhay, marami na siyang naging karanasan sa kalsada.

Alas syete pa lamang ng umaga ay namamasada na si tatay Jerry. At sa maghapon na pasada, kadalasan na pupunta ang kanyang kita sa pagkakarga ng gasoline. “Sa pasada mahirap talaga, dahil tumataas (ang presyo ng gasolina),” sabi ni tatay Jerry. Ayon pa sa kaniya, malaki ang nawawala sa kanilang magtaas ang presyo ng gasolina.

Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo gawa ng Oil Deregulation Law, maraming drayber ang apektado nito. Isa pa sa pinapangamba ni tatay Jerry ay kung sakaling pumapatak na P50/L ang gasolina. “Baka wala ka na mauwi sa pamilyo mo,” nalulungkot na pahayag niya.

“Bakit hindi niya (PGMA) kaya pigilan?” tanong ni tatay Jerry sa amin. “Hindi nila naiisip ang kapakanan ng mahihirap, kasi hindi nila nararamdaman iyon,” pagtatapos ni tatay Jerry.

Tigil-Pasada

Isang buong araw na binitawan ng mga tsuper ang manibela upang makiisa sa inilunsad na tigil-pasada sa buong bansa laban sa pagtaas ng presyo ng langis sa pangunguna ng Pinagisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) noong ika-12 ng Disyembre.

“Andito ako dahil nanganganib ang kabuhayan ko at ng aking pamilya,” pakikiisa ni tatay George San Mateo, National Secretary-General ng PISTON. “Totoong walang kita ngayon, pero para sa seguridad ng kabuhayan ng aking pamilya sa hinaharap, kaya dapat kumilos ako,” paninindigan ni tatay George.

Maging ang mga kabataan mula sa miyembro ng Anakbayan, League of Filipino Students, Students Christian Movement of the Philippines, College Editors Guild of the Philippines, KARATULA, Musicians for Peace at marami pang militanteng organisasyon ng kabataan sa pamantasan at komunidad ay sumuporta din sa laban ng mga tsuper.

“Andito kaming mga kabataan, upang makiisa sa laban ng mga tsuper,” saad ni Mark Benedict Lim, Vice-Chairperson ng CEGP-NCR. “Sapagkat, dagdag pasanin na naman ng ating mga magulang ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin, bayarin, pamasahe at maging ang pagtaas ng matrikula sa ating mga pamantasan,” paliwanag ni Lim.

Ang krisis sa langis ay sangkap ng kabuuang krisis sa ekonomiya sa bansa na higit pang pinalalala ng mga patakaran at panukala ni PGMA. Ayon na rin sa Anakbayan, sa higit 6 taon niyang panunungkulan ay wala siyang ginawa upang makontrol ang pagtaas ng presyo ng langis at tila hindi rin interesado sa pagbasura sa Oil Deregulation Law dahil maging ang pamahalaan ni Arroyo at nakikinabang dito.

Ang problema sa napakataas na presyo ng langis ay manipestasyon ng pagiging papet ng kasalukuyang rehimen at pagpaprayoritisa sa dikta ng imperyalistang US, at sa huli, nararapat na tugunan nito ang mga hinaing ng mamamayang Pilipino upang hindi tuluyang malugmok sa kahirapan.###

Unang inilathala
EARIST Technozette
(Official Student Publication of EARIST)
Tomo 28, Bilang 2
December 2007

Larawan mula sa:

0 mga pandadaot:

Post a Comment