Kay Em*

on Friday, November 5, 2010
Pinagmamasdan ko sa malayo ang isang babae na nakupo sa isang sulok at nakayuko. matapos lamang ang ilang sandali, binuhat niya ang isang itim na backpack sa kanyang tabi at mabilis na naglakad. Sinundan ko siya kahit hindi ko alam kung saan siya patungo. Masyadong misteryoso ang aura niya ng gabing iyon, dalawang araw matapos ang pasko.

Sa isang cafe sa Gateway muli kaming nagkita. Tinabihan ko siya sa table sa smoking area. Doon ko lamang naaninag ang kanyang ngiti buhat noong una ko siyang nakita. Nagpakilala kami sa isa’t isa at napag-alaman ko na umalis siya sa kanilang bahay, kaya parang puputok ang kanyang bag sa dami ng damit na kanyang dala. Sa pakikipagkwentuhan ko sa kanya, nalaman ko kung paano siya pinapanday ng kontradiksyong kanyang kinakaharap. Ang hindi direktang panghusga sa kanya ng kanyang mga kaklase, dahilan sa madalas niyang di pagpasok, dagdag pa ang pagiging anak ng isang propesor sa kanilang kolehiyo. Nabanggit din niya kung ano ang dahilan ng kanyang pag-alis sa kanilang bahay. Ano ngayon ang iyong plano? Tanong ko sa kanya, maigsi at desidido ang kanyang tugon na sa isang kaibigan siya tutuloy pansamantala… Ito ang madalas na binabalik-balikan ng aking alaala.

Isang buwan buhat ng huli kaming magkausap, nakatanggap ako ng isang isang liham galing sa kanya. Excited ako mabasa ang nilalaman ng liham. Inasam kong sasabihin niya sa akin na tapos na ang kanyang problema sa pamilya, ngunit ito ay kabaliktaran ng aking inaakala. Mas lalo pang lumalala ang kanyang sitwasyon. Gusto kong punitin ang papel na hawak-hawak ko, pero hindi ko ginawa. Umaasa pa akong sa mga susunod na linyang aking mababasa ay mapapangiti ako at matutuwa.

Hindi ko alam kung ano ba ang magiging reaksyon ko nang matuklasan kong hindi na siya papasok sa kanyang mga klase. At sa darating na enrolment, desidido na siyang hindi mag-enrol. Ilang beses ko pang binasa ang bawat linya, baka sakaling nagkamali lamang ako ng pagkabasa, pero sa huli nabigo ako sa aking inaasahan. Pagkatapos nito, tanging isang malalim na buntong-hininga na lamang ang aking pinakawalan.
Sa ganoong esensya natutuwa ako para sa kanya, hindi dahil matatakasan na niya ang pnguhuhusgang nararanasan niya sa kanyang mga kaklase o hindi na niya makikita ang kanyang propesor na lalong nagpakumplikado sa relasyon niya sa kaniyang pamilya at sa loob ng kanilang pamilya at maging sa kanyang acads.

Sa huli, nirerespeto ko ang kanyang desisyon tumigil sa pag-aaral. Alam kong hindi niya ito gagawin upang takasan ang mga problema at responsibilidad bilang isang anak. Bagkus, ito ay tunggalian sa loob at labas ng pamilya na magpapatatag sa kanya. Tanggap ko ang kanyang desisyon katuwang ng kanyang prinsipyo, kahit mag-iisang taon pa lamang kaming nagkakasama.

Nakikita ko nang mas magiging madulas ang kanyan pagkilos para patuloy na ipanawagan ang de-kalibreng dekalidad ng edukasyon para kina isko at iska, basagin ang patriarchal na sistema sa mga kababaihan, diskriminasyon sa mga bakla at tomboy, ang lupa, sahod, trabaho at karapatan ng nasa ilalim sa tatsulok ng lipunan.

At higit sa lahat, alam kong pagdating ng panahon, ang kanyang ginagawa ay magiging daan para sa pagbabago.

0 mga pandadaot:

Post a Comment