Eksaktong isang buwan ngayon buhat nang makaligtas ako sa Dengue.
Ika-20 ng Nobyembre, bago mag alas-otso y medya ng umaga nasa Head Quarters (HQ) na ako. Kailangan ko kasing maghanda para sa pulong ng VisProp (Visual Propaganda) Committee para sa Pambansang strike ng mga kabataan-estudyante mula sa iba’t ibang pamatasan at unibersidad para labanan ang budget cut sa edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan.
Mahigit-kumulang isang oras din kaming naghintay na dumating ang iba pang VisProp Officers bago kami magpasyang simulan na ang pulong kahit wala pa ang iba. Halos kakasimula pa lamang ng aming pulong medyo sumasama na ang aking pakiramdam.Sa isip-isip ko “Kaya ko pa ito. Matapos lang itong planning hanggang December 1, makaka-inom na rin ako ng gamot.”
Tila isa akong mitsa na mabilis na sumiklab ang apoy sa tindi ng init ng katawan. Nasa kalahati palang kami ng planning nang mag-break kami, hindi ko na din kinayang magpadaloy pa ng pulong sa tindi ng sakit ng ulo, lagnat at pagka-uhaw. Sa huli, hindi natapos ang pulong.
Ayoko na sana mag-alala pa si mami na masama ang pakiramdam ko, pero napilitan akong magtext para magpasundo sa HQ. Hindi niya ako nasundo, hindi ko kasi naibigay sa kaniya ang address dahil nakatulog ulit ako. Nang magising at magkaroon ng kaunting lakas, nagbyahe na ako agad pauwi ng bahay.
Kahit hindi sanay uminom ng gamot, hindi ko na kailangang kumbinsihin pa ang sarili na uminom ng gamot. Apat na araw ko ding tiniis ang mapaklang lasa ng orange at white na mga tableta, pag-suka ng lahat ng kinakain at iniinom, ang pagsakit ng ulo ko matapos ko itong iumpog sa pader sa tindi ng headache.
Matapos ang apat na araw na kalbaryo, dinala ako sa clinic para magpa-laboratory test. Si kuya Jim ang pumunta sa clinic para i-pick up ang result ng Complete Blood Count (CBC) ko pero ayaw ibigay ng clinic sa kaniya kahit nasa kaniya naman ang resibo. Ang sabi sa kaniya ng receptionist, pabalikin ako sa clinic para ulitin ang CBC (nagalangan silang labas ang CBC result dahil “baka mali daw” ang result kasi 10 lang ang platelet ko).
Hindi ako ibinalik ni kuya sa clinic, bagkus, isinugod na niya ako sa hospital gaya nang bilin sa kaniya ni mami. Habang nasa byahe kami papuntang hospital tinanong niya ako bakit nagdudugo ang aking labi. Sinagot ko lang din siya ng patanong kung bakit ito nagdudugo. Ngumisi lang siya.
Pagdating ng hospital, andoon na si mami. Hinihintay kami. Kitang-kita ko sa kaniya na kinakabahan at nagaalala siya sa nangyayari sa akin. Mabilis ang mga pangyayari wala pang ilang minuto may dextrose na ako sa kaliwang kamay, at wala pang isang oras dinala na ako sa ICU.
Limang araw akong naka-confine. Kain, inom ng gamot, tulog, ihi ang buhay ko sa hospital. Noong dumating sina Aie at collective ko sa LFS (magkaibang araw), excited akong marinig ang kanilang mga kwento tungkol sa strike at updates sa kampaniya.
Ilang beses din akong patagong umiyak sa hospital tuwing madaling araw. Una, dahil hindi ako nakaka-gampan ng mga gawain, wala akong balita mula sa Tri-Media ano ang update sa ikinasang strike. Pangalawa, dahil lahat ng pwedeng maging bulsa nina dada at mami, walang dudang butas na butas sa laki ng bill namin sa hospital. Kung bakit naman kasi napaka-mahal mabuhay sa isang Mala-pyudal at Mala-kolonyal na lipunan eh!
Kahit gabi-gabi pa rin akong umiiyak dahil sa bayolet kong braso, laking pasasalamat ko pa rin sa science at nabuhay ako! Swempre, sa pamilya at mga kaibigan kong matiyagang nagbantay sa akin sa hospital.
Hindi man ako nakalubog sa mga balangay ng LFS sa loob ng isang buwan, hindi bali, sa panahong fully recovered na ako, titiyakin kong triple o higit pa ang output ng mga gawaing naka-tahas sa akin. Wala man ako sa panahon ng strike week noong nakaraang Nobyembre, nitong papasok na 2011 sa DALUYONG naman ako sasabak!
*Three days ago ko lang nalaman na kung na-late pa ng ilang oras ang pagdala sa akin sa hospital noon, deads na ako. Kaya sana naman bumilis-bilis na ang pagrecover ko para handa nang sumabak sa 2011 para sa daluyong.
Kaya dapat habang nabubuhay pa, ilaan ang oras at panahon sa pagmumulat, pagoorganisa at pagmomobilisa sa masa para makamit ang pambansang demokrasya!