kailanman
ang layo ng pagitan
sa usaping
paglaban
at
pagmamahal
gagap natin at tanggap
ilang dagat man
o mga bundok
ang agwat
sapagkat
sa isipang mapagpalaya
ang sakripisyo at paghihirap
sa rebolusyong ating matapat
at masikhay na hinaharap
sapat ang damdamin at kapasyahan
na ang pag-ibig natin
hindi nakatali sa dalawang magkasintahan
hindi nakaposas sa mga kamay na magkahawak
hindi nakagapos sa magkayakap na pagsinta
ang pag-ibig at rebolusyon ay nag-iisa
at naglalapit gaano man kalayo ang inaawit
hangga't nag-uumalpas
ang damdaming mapagpalaya
sikilin man o ikwartel
magpupumiglas pa rin
tinatangi kita
at nagpapatuloy, at dumadaloy
sa bawat luha at ngiti ng masa
magtatagpo ang tayong dalawa
*Sinulat ni Maria Baleriz. Isang regalo ni Maria Baleriz para sa akin at sa aking niligawan noon.
Kahapon, habang naglilinis ako ng aking mga gamit, muli kong nakita ang kapirasong papel kung saan niya ito isinulat. Kabilin-bilinan niya sa akin, itago ko daw ito ng mabuti dahil wala siyang kopya nito.
Huwag kang mag-alala Maria, makakaasa kang iingatan ko ito.hehe Muli, maraming salamat sa iyong regalo, nami-miss ko na rin ang ating balagtasan at taludturan sa text.
0 mga pandadaot:
Post a Comment