Isang patuka sa madaling araw*

on Saturday, August 13, 2011
Ilang araw na din akong hindi kumakain ng maayos at sapat. Wala akong ibang bukam-bibig, kundi ang “nagugutom na ako.”

Kani-kanina lang matapos naming pagsaluhan nina Tonet at RJ ang ampao na burger sa kanto, naitanong ko sa kanila kung bakit parang hindi ako masaya ngayon, kumpara dati. Full-time ako noon, wala laging pera, pero nakaka-pakat (nakaka-ikot pa ako sa buong NCR para mag-hop, madalas gutom at palaging nalilipasan ng gutom pero nagagawa ko pa ring maging masaya).

Dati,

Alas sais ng umaga, gising na ako noon. Matapos maghilamos at toothbrush, dideretso sa kabilang bahay para magdesisyon kung ang P10 ko ba ay ibibili ko ng: yosi at hopia? O yosi at kape? Kailangan ko kasi magtira ng P6 para sa makasakay ng jeep papuntang Lardizabal para kulang-kulang 30 minutes na lang ang lalakadin papunta sa aking erya.

Buong maghapon nasa erya lang ako. Umiikot. Nagho-hop sa iba’t ibang publications. Kung may magpapatak sa akin, hindi ko ito ipangkakain. Itatabi ko lang muna ito at kailangang matiyak ko na may baon akong P10 para kinabukasan pambili ng yosi o hopia at pamasahe papuntang Lardizabal.

Gabi na ako uuwi. Pagdating sa opis, maglilinis lang ng katawan tapos matutulog. Minsan, hindi ko na magagawa pang maglinis ng katawan dahil sa sobrang pagod.

Hindi ko din alam kung paano ako nabuhay sa ganyang kalagayan sa loob ng maraming taon. Pero, kada araw, kahit anong hirap o daming problemang kinaharap nananatili pa rin akong masaya, laging naka-ngiti at tumatawa.

Sa kabila ng lahat ng kagutuman ko noong mga panahon na yun, isang tao lang ang minahal ko talaga ng husto dahil sa pagiging TAO niya.

Alam kung sino? Si Jose Cosido.

Alam mo kung bakit?

Kasi, ganito yun:

Kadalasan kasi, kapag gabi na, hindi na dumadaan si Jose sa HQ. Pero, iba ang gabi na iyon.

Maaga ako natulog dahil sa buong araw na pagod at walang kain. Ginising lang ako ni Jose para iabot niya sa akin ang pasalubong niyang 1 piece chicken joy. Galing daw yun sa ka-meeting niya. Naisip daw kasi niya na hindi pa ako kumakain, kaya inihatid niya yun sa HQ.

Syempre, natuwa talaga ako. Kasi, makakakain na ako. Pero, hindi ko sinolo ang 1 piece chicken joy na iyon. Kahit na alam kong hindi kakasya iyon para sa lahat ng taong andoon, pinaghatian din namin iyon ng ibang kasama (ang naaalala ko na lang na nakahati ko doon ay si Pranses).

Swempre, hindi lang naman si Jose ang ganyan sa akin, sa AMIN. Andyan din sina Vijae at Heidi. Kapag nalaman nilang nagrerebolusyon na ang aming mga tyan, magby-byahe pa sila ng ilang oras mula sa ibang probinsya para maihatid din ang isang balot ng healthy groceries. 


Mahal namin ang bawat isa, ano?


Ee, alam mo ba kung gaano ko din ka-mahal ang mga ka-groupmates ko sa Guild?

Umuwi ako noon sa bahay namin, habang sina Gerg, Vijae, Jose at iba pa ay nasa staff house.  Wala akong cellphone dahil saktong nag-lowbatt ang phone ko at brownout pa.

Alas syete na ng gabi, tska lang muli nagkaroon ng kuryente. Syempre, doon lang din ako nakapag-charge ng battery ng cellphone. Nang magka-karga na ang battery nito, doon ko lang din nabasa ang text message sa akin ni Gerg. Alas-tres ng hapon pa niya iyon ipindala.

Nagtatanong siya, kung pupunta daw ba ako sa staff house namin. Dahil, gutom na gutom na daw sila, magdala daw ako ng pagkain.

Edi syempre, nagkukumahog naman ako sa pagbabalot ng kahit anong mahawakan ko na maaari nilang makain, dahil, anong oras na’t alam kong hindi pa sila kumakain hanggang sa mga oras na iyon.

Alas otso na na din ako nakarating sa staff house. At tama nga, doon palang sila makakain.

Hindi ko alam, pero habang sinusulat ko ito umiiyak ako. Silang mga unang ka-groupmate ko, sila ang nagturo sa akin maging isang tunay na tao. Gayun din, ay kung paano at ano nga ba ang ibig sabihin ng collective living.

May pagkain o wala, may pera o wala, masaya man o malungkot, nagtatawanan, nagdadautan sa kabila ng aming kani-kaniyang mga problema sa buhay habang sabay-sabay na nireresolba ang mga problema ng Guild.



Para kina:
Tonet, Meloy, RJ, Gidget at Pher
Kaya yan! Huwag lang bibitaw.

3 mga pandadaot:

prop said...

nakakaiyak naman.. huhuhuu

angbaki said...

Una kong naisip nung tinanong mo kung bakit parang hindi ka masaya ngayon, kumpara dati: tumatanda ka na, taking tow na ang katawan sa dami ng abuso, unti-unti na syang bumabagsak...ending sa senti, hehe...mishu ana. Isa ka sa mga taong madaling makita emosyon, hindi kasi ako pamilyar sa mga ganun.

Anna Tolentino said...

@Dudung: Oo nga siguro, tumatanda ako. Pero, kailanman ang mga aral na yan ay hinding-hindi malilimutan at dapat ipraktis sa bawat isa. Oo. Alam mo yan, Dudung. Madaling malaman ang emosyon ko. Kung masaya o hindi. Madaling mabasa ang emosyon ko, dahil, hindi ko kayang itago sa ibang tao ang tunay kong nararamdaman. :) I miss you din, Dudung. Magdate na tayo minsan nina Enap.

Post a Comment