Celebrating our kinder-garden graduation. |
Minutes before lola's interment. |
Magkababata kami. Siya si J, ang matalik kong kaibigan.
Simula kinder hanggang elementary parehas kami ng pinapasukang paaralan, nagkahiwalay kami noong lumipat sila sa ibang lugar bago kami maghayskul.
Vivid pa din sa akin ang mga pinaggagawa namin simula noong bata. Nakikipaglaro siya sa akin ng bahay-bahayan, lutu-lutuan at mga larong inuulit at may "-an" sa dulo; minsan makikiupo siya sa tabi kapag Barbie ang nilalaro ko, pinangarap din namin na magkaroon ng lalaking Barbie (well, si Ken, yung "boyfriend" ni Barbie) para makasali pa din siya kapag naglalaro ako nito.
Hindi kumpleto ang aming childhood kung hindi kami nakapaglaro sa kalsada. Madalas kaming magkakampi sa patintero, syato, kidlat, agawan-base, baggle-baggle at iba pa. Tinuruan niya ako kung paano magandang pumitik ng teks para umikot ito sa ere; kung paano tumira ng trumpo, na isang beses ko lang naman sinubukan.
Kung hindi kami matatagpuan sa kalsada, nasa loob lang kami ng bahay, nanunuod ng Sailor Moon, Dragon Ball, Power Rangers, Time Quest o ano pang cartoons na pinapalabas sa channel 2, 7 at 13; minsan naglalaro ng family computer, natutulog o nag-aaral.
Natatawa pa din ako kapag naaalala ko kung bakit kami sabay nawalan ng yaya, nagpahabol kasi kami ni J sa kanila, sa buong village. Kinabukasan, wala na kaming bantay.
Minsan din naming ginawang swimming pool ang buong ground floor ng kanilang bahay. Pinagalitan kami ng todo ni tita. (Please take note, umabot ito sa tuhod)
Dahil curious kung ano ang meron sa sigarilyo, sinubukan naming i-roll ang coupon bond hanggang sa maging hugis sigarilyo ito at aming sinindihan-hinitit. Ito ang naging sanhi kung bakit muntik na masunog ang bagong gawang bahay ng tito namin.
Nagmistulang tubig para sa amin ang J&B Scotch Whisky, noong palihim naming binuksan ang koleksyong alak ni Dada. Hindi namin akalain na nakakalasing pala ang alak. (Tinikman lang talaga namin ito, kaso tig-isang baso kami).
Ilan lamang ito sa mga masasaya't 'di malilimutang kalokohang pinagsamahan namin. Hindi ko na isusulat pa yung mga award-winning stories namin.
Paalala: Hindi kami bully, playful lang.