Daddy's girl ako. Pero ang totoo madalang lang kami mag-usap.
Mabibilang lang sa dalawang kamay ang mga esenyal na pag-uusap namin kada taon. Ganoon pa man, hindi niya naiparamdam sa akin na malayo siya at mahirap mahagilap.
Elementary ako noong unang magtampo ako sa kaniya. Natatandaan ko pa kung paano niya kinampihan si bunso* sa kagustuhan nitong ilipat sa cartoons ang pinapanuod kong pelikula sa TV. Pinaliwanag naman niya sa akin nang mabuti kung bakit kailangan kong "mag-adjust" sa sitwasyon; may batang kapatid na ako, kailangan kong magparaya-magbigay, umunawa. Syempre sa umpisa nakakaasar, pero, sinikap kong intindihin at ipraktika ang mga paliwanag niya.
Bukod sa pagtuturo sa mabuting asal, kilala din siyang inhenyero at mahusay sa Physics at Math, ngayon ko lang na-realize na hindi pala niya ako tinulungang gumawa ng aking mga takdang aralin simula elementary hanggang sa kolehiyo. Kung meron man siyang itinuro sa akin, ito yung technique sa conversion solution, two methods of problem checking, ang pasikut-sikot ng P=W/T = FV at ang malupit nitong tagubilin na paggamit ng three decimal points sa iyong final answer, para accurate ang iyong computation.
Kung paano siya magmarka ng X sa papel ng kaniyang mga estudyante, ay ganoon din sa mga nanligaw sa akin. Kailanman ay hindi siya naging matapobre, choosy lang talaga siya. At kung may nakilala man siya sa aking karelasyon, dalawa pa lamang ang nakapasa sa kaniyang standards.
Higit sa lahat, hindi matatawaran ang kaniyang pagsuporta, pag-unawa, pagrespeto sa lahat ng desisyon ko sa buhay. Mula sa pagdurog ko sa kaniyang puso noong sinabi kong hindi na ako mag-aaral dahil magpupultaym na aktibista na ako; nang masilayan ko muli ang kaniyang ngiti matapos kong matanggap ang diploma; ang pag-unlak sa mga imbitasyon sa bawat aktibidad at pagtitipon ng mga organisasyong aking kinabilangan; ang pagkinig niya sa aking rants nang minsang dinalaw ko siya sa kaniyang opisina; ang mahalin at ampunin ang mga kasamahan ko sa organisasyon; ang paggiging proud daddy ng isang aktibista; syempre, kung paano niya palaging ipinapaalala sa akin ang "wastong pagdadala ng mga problema" at marami pang iba.
Daddy, maraming salamat sa lahat. Isa ka sa mga nagturo sa akin kung paano maging maunawain, pasensyosa (though, hindi ko pa ito namamaster), humble; ano ang tunay na pag-ibig; halaga na buo ang pamilya; pagkakaiba ng mabuti at masama, tama at mali. Malaki ang naitulong mo para mahubog ako bilang isang mabuting tao. Mahal kita, Dada. ###
*noong dalawa pa lamang kaming magkapatid.
0 mga pandadaot:
Post a Comment