Huling Lamay*

on Friday, November 5, 2010
ni: Anna Tolentino
Pambansang Komiteng Tagapagpaganap
League of Filipino Students
Mabilis ding napuno ang inbox ng aking cellular phone sa dami ng mensahe galing sa mga kaibigan at kakilala para ipaabot ang nakakalungkot na balita.
Naging tampok sa bawat pahayagan, radyo at TV ang pagkamatay ni Cory. Dito ipinakita kung gaano karaming mamamayan ang pumupunta para masulyapan ng ilang segundo ang kauna-unahang babaeng presidente hindi lamang sa bansa, kundi maging sa buong Asya.
Gaya ng inaasahan, mistulang walang hangganan ang pila mula Pamantasan ng Lungsod ng Maynila hanggang Manila Cathedral sa Intramuros, Manila. Sa bawat pag-usad, ay may panibagong taong dumadagdag sa dalawang hanay na pila.
Kasama ng mga kabataan at kasapian ng League of Filipino Students, kami ay pumila para sa Necrological Service ni Cory. Sa may tapat ng Commission on Election (COMELEC) doon kami pumuwesto habang inaantay ang magbibigay sa amin ng passes para makapasok sa simbahan.
Kulang-kulang isang oras din kaming nag-hintay sa labas. Habang naghihintay, tinanaw ko ang mga tao sa gilid simbahan. Halos karamihan ay naka-suot ng dilaw na T-shirt o kaya nama’y may dilaw na ribbon na naka-tali sa braso.
Kapansin-pansin din na maraming bumibili sa mga bagbebenta ng dilaw na payong, sumbrero, ribbon, T-shirt, pins na may mukha ni Cory at iba pa. Naging daan din ito sa mga manininda upang maghanap-buhay at kumita pandagdag sa kanilang arawang gastusin.
Ilang minuto bago magsimula ang Necrological Service, ay nakapasok na rin kami sa loob ng simbahan. Sa gawing kanan kami pumuwesto. Pagka-upo ay taimtim kong pinakikinggan ang mga testimoniya ng malalapit na kaibigan, kakilala dating kasamahan sa trabaho ni Cory.



Sa kabila ng maraming nagsalita para magbigay ng testimoniya kay Cory, ang testimoniya nina Dr. Alex Ayco at Mel Mamaril ang nakapag-bigay sa akin ng pahapyaw na pagkakakilala kung anong klase siyang babae, ina, lola at kaibigan.
Bagamat hindi ko nakilala ng personal ang si Cory, kinikilala ko naman ang naging ambag ni Cory sa parlyamentong pakikibaka, bilang naghaharing uri na tumindig, nanghamig ng mga panggitnang pwersa sa lipunan na maki-isa sa malawak na hanay ng nagkakaisang mamamayan at lumaban sa diktaduryang US-Marcos na nagdulot ng People Power Revolution sa EDSA noong Pebrero 1986.
Ang tinatamasa natin ngayong ‘kalayaan at demokrasya’ ay nakamit ng taumbayan sa pamamagitan ng malalakihan at sama-samang pagkilos ng mamamayan laban sa pasistang diktador.
Sa kabila ng maraming nagsasabi na hindi na uubra ang People Power para mapatalsik ang mala-Marcos na diktaduriya sa ilalim ng kasalukuyang gobyerno, ang malaking bilang ng mga nakiramay at matiyagang pumila para sa lamay ni Cory, ay naglalarawan ng malawak na pagsuporta ng sambayanan sa pag-gunita ng People Power.
Pumanaw man si Cory, ngayon na ang panahon upang muling buhayin at isabuhay ang pagtindig ng taumbayan sa diwa ng People Power at umanib sa kampanyang talsik laban sa rehimeng Arroyo.
At kung gayun, tungkulin nating mga mulat at progresibo na i-giya ang sambayanan, tungo sa landas ng Pambansa-Demokratikong pakikibaka ng mamamayan upang makamit ang isang lipunang malaya, makatarungan at masagana. ###
*Lubos ang aking pagpa-paabot ng pakikiramay sa naiwang pamilya, ka-anak, kaibigan at kasamahan ng dating pangulong Corazon Aquino

Unang inilathala
7th August 2009

0 mga pandadaot:

Post a Comment