“Kulay dugo ang kulay ng bawat pahayagan
Tila isang laro na lamang ba ang pagpaslang
Oh, kayraming buhay na ang nasayang
Sa walang tigil na pagyurak sa pantaong karapatan”
Ang kantang ito ang bumulaga sa akin nung una akong tumuntong sa opisina ng EARIST Technozette para mag-apply bilang apprentice noong nakaraang taon. Sa totoo lang, nanibago ako sa ambiance ng lugar at partikular sa mga awiting pinatutugtog sa kung tawagin ay pub (shortcut sa terminong publikasyon). Bago sa aking pandinig ang genre na pangkultura, kaya sa pakiwari ko wirdo ang mga staffer ng Tekno (again, shortcut ng Technozette). Bagamat hindi ko gaanong naiintindihan ang kahulugan ng kanta, tila napukaw nito ang aking atensyon.
Kahit pa medyo kinakabahan parang na-inspire ako sa kantang iyon, kaya naman ng tanungin ako ng editor na kung willing talaga akong sumali sa Tekno, hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Ang resulta, natanggap ako bilang correspondent (mas mababa sa apprentince) pero ok’s lang, pwede na rin naman kesa sa wala, at kahit ang status na ‘yun ay hindi pa talaga regular na miyembro ng pub.
Sa unang Linggo ko na pamamalagi sa Tekno, paulit-ulit kong naririnig ang kantang ‘yon, na pakiwari ko ay may napakalaking koneksyon sa publikasyon. Kaya naman, kinapalan ko na ang mukha ko at agad kong tinanong sa isang Teknopips (tawag sa mga tao sa Tekno) kung ano ang pamagat ng kanta na buong giliw niya akong sinagot ng, “Pahayagan yan, maganda diba,”Mabilis naman ang naging pagsang-ayon ko sa binanggit ng tingin ko ay nerd na pips ng Tekno.
Hay…
Talagang nakakapanibago ang buhay sa publikasyon, halos lahat na ata ng kawirduhan ay mararanasan sa lugar na ito. Pero tuwing naiisip ko na kung gaano sila naglalamay sa artiks, (tawag sa artikulo na ini-aasign ng editor) ay maituturing kong mas normal pa sila sa pangkaraniwang tao.
Sa loob ng walong buwang pamamalagi ko sa Tekno, lubos kong naintindihan kung bakit kulay dugo ang kulay ng bawat pahayagan. Ditto ko nalaman na marami na sa mga manunulat sa iba’t ibang publikasyon sa buong Pilipinas ang nagbuwis ng buhay na ang ilan sa kanila ay hindi pa ngayon nakikita. Bahagya man akong kinabahan, hindi pa rin natinag ang aking paninindigan na ipagpatuloy ang pagiging isang manunulat at kahit minsan para akong may sayad na palingon-lingon habang naglalakad, eh swempre mas maganda na yung nag-iingat.
Sa bawat araw na may nawawala at pinapatay, pakiramdam ko ay lalong nadadagdagan ang inspirasyon ko para ipagpatuloy ang kanilang nasimulan, kahit pa tumututol minsan ang magulang ko sa pagsali ko sa publikasyon. Ngayon ko napagtanto, kung bakit may mga taong bumubuhos sa kalsada para isigaw ang kanilang mga karapatan, dahil maging sila ay biktima ng mapang-aping gobyerno. Ipinaglalaban nila ang mga buhay na nasayang dahil sa walang tigil na pagyurak sa pantaong karapatan.
Salamat kay Gng. Arroyo sa pagbibigay sa amin ng tibay, lakas ng loob at inspirasyon para ipagpatuloy ang nasimulang gawain. Maaasahan niya na higit naming pag-iibayuhin ang paglilingkod sa sambayanan.
*Isang kanta na sumasalamin sa walang humpay na pagpaslang sa mga progresibong tao sa lipunan
Unang inilathala
EARIST Technozette
(Official Student Publication of EARIST)
Tomo 27, Bilang 1
Hunyo-Hulyo 2006
1 mga pandadaot:
Ang panget at walang kwenta! d aman yan ung hnahnap ko nu! mga boslog!
Post a Comment