Inhenyera ako at maraming nanghihinayang dahil hindi ko naisasapraktika sa aking pang araw-araw ang limang taong tinapos ko.
Hindi dahil tinatamad akong mag-scan sa mga dyaryo ng mapapasukang trabaho (tutugma man o hindi sa kursong tinapos ko). Hindi rin dahil ayoko maghintay sa kilu-kilometrong haba ng pila mula sa pagkuha ng requirements hanggang sa ma-interview ako ng kumpanyang aking napili.
Kundi, wala akong panahon! Wala akong panahon sa pagsunod sa nakagawiang maghanap ng trabaho matapos grumadweyt. Ganoon pa man, marami akong panahong inilalaan sa pagbibigay ng serbisyo sa ating mga kababayan na kailanma’y hindi binibigyang panahon ng administrasyon ng bansa.
Mahirap maging isang fulltime na aktibista.
Wala kang regular na pinagkukunan ng operational expenses para mapuntahan ang mga eryang aking inoorganisa, lalo na’t hindi naman ako sakop ng student fare discount. Kaya naman, walang maiambag na tulong pinansyal sa aking mga magulang (sa pagpapa-aral sa aking mga kapatid, pambayad ng kuryente, tubig, broadband at pambili ng kanilang mga gamot). Luho na sa akin ang binili kong sneakers na Converse at bag na The North Face.
Madalas pa rin akong absent, ‘yon nga lang, hindi na sa klase. Kundi, sa mga pagtitipon ng ka-batch mates mula elementarya hanggang kolehiyo at mga ka-barkada. Hindi updated sa mga bagong palabas sa sine lalo’t higit sa mga balitang kasalan at buntisan. Kapag nagkita-kita naman, walang ibang usapan kundi ang kanilang buhay propesyunal, mga registered nurse, engineer pero call center agents, ‘yun daw kasi ang madaling pasukan na trabaho. Ako? Isa sa 11.3 Milyong Pilipinong unemployed sa inutil na pamahalaang meroon tayo, pero empleyado ako ng mamamayan, 24/7 on call sa paglilingkod para sa sambayanan.
Masayang maging fulltime.
Dahil hindi na ako nagsusunog ng kilay para lang gamitin ang Wallis formula o kaya naman maduling sa conversion ng binary codes. Pero gabi-gabi pa rin akong puyat kababasa ng reading materials, sa mga pulong at production work para sa biswal na propaganda sa mga rali.
Wala man ako sa sirkulasyon ng sistemang sahuran, sapat nang makitang umuunlad ako katuwang ng aking mga ka-grupo. Tulung-tulong na nireresolba ang mga problema sa buhay, maging buhay pag-ibig. Kumpleto din ang araw ko sa tuwing papatugtugin at sabay-sabay na kakantahin ang Dyad tuwing umaga. At syempre, wala nang hihigit pa na makitang naka-ngiti ang mga nakakadaup-palad na masa sa tuwing sila ay natulungan at isasambit na “Salamat, kasama.”
Ilan lang ito sa milyun-milyong dahilan upang maging kuntento, umibig at magpatuloy na harapin ang masalimuot na lipunan nang buong tapang at lakas.
Fulltime ako.
Ang pagsagot sa mga problema sa buhay at lipunan, kailanman ay hindi maihahalintulad sa pagsagot ng assignments o seat works na madaling makita sa academic textbooks, Google o maging sa Solid Mensuration Reviewer. Sapagkat, sa reyalidad walang puwang ang maging empiricist para harapin ang mga kontradiksyon. Kailangan mong aralin, matutunan at isapraktika ang wasto at tamang pamamaraan at istilo ng paggawa sa pakikibaka.
Kailanman ay hindi ko inabandona ang aking responsibilidad bilang isang anak at kapatid o ipagkait ang oras sa mga kaibigan at mahal sa buhay na madalang kong makapiling at maka-kwentuhan. Sapagkat, bilang isang propagandista-edukador at organisador, buong-panahon at ubos lakas kong tutupdin ang tungkuling magmulat, mag-organisa at magpakilos para sa minimithing paglaya ng bansa mula sa foreign domination sa ekonomiya, pulitika at kultura.
*Para sa lahat ng nagtatanong kung bakit wala pa rin akong trabaho at sa lahat ng tibak na nagdadalawang isip na mag-fulltime
Unang inilathala:
EARIST Technozette
Volume 31, Issue 6
May-June 2011 Issue
4 mga pandadaot:
"*Para sa lahat ng nagtatanong kung bakit wala pa rin akong trabaho at sa lahat ng tibak na nagdadalawang isip na mag-fulltime" ~
AHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHHH.
awtss,.. sapul ako.. he he,.
nakaka goosebumps habang binabasa,.
@Anonymous1: Ooooow.
@Anonymous2: Oow. Bakit naman? :s
pwede i-repost? :)
Post a Comment