Ang liberalismo ay nakikita sa iba’t ibang
paraan.
1. Palampasin ang mga bagay-bagay alang-alang
sa kapayapaan at pagkakaibigan kapag ang isang tao ay maliwanag na nagkamali at
umiwas sa makaprinsipyong pangangatwiran sapagkat siya ay isang matagal nang
kakilala, isang kababayan, isang kamag-aral, isang matalik na kaibigan, isang
minamahal, isang malaon nang kasamahan o isang malaon nang tauhan. O kaya’y
banggitin ang usapin nang pahapyaw sa halip na talakayin ito nang lubusan upang
mapanatili ang mabuting pagsasamahan. Dahil dito, ang organisasyon at ang
indibidwal ay kapwa napipinsala. Ito ay isang tipo ng liberalismo.
2. Magpakalulong sa mga iresponsableng
pamumuna nang sarilinan sa halip na masiglang magharap ng mga mungkahi sa
organisasyon. Tumahimik sa harap ng tao subalit magtsismis sa kanilang likuran,
o tumahimik sa harap ng isang pulong at magdadaldal pagkatapos. Ang hindi
igalang ang mga prinsipyo ng kolektibong pamumuhay at sa halip ay sumunod sa
sariling hilig. Ito ay ikalawang tipo.
3. Palampasin ang mga bagay-bagay kung hindi
sangkot ang sarili; magsalita nang babahagya hanggat maaari gayong alam na alam
kung ano ang pagkakamali, magpakatuso at maniguro at umiwas lamang na
mabagsakan ng sisi. Ito ay ikatlong tipo.
4. Sumuway sa mga kautusan at sa halip ay
ipagmalaki ang sariling palagay. Humingi ng natatanging konsiderasyon mula sa
organisasyon ngunit tumanggi sa disiplina nito. Ito ay ikaapat na tipo.
5. Magpakasasa sa atakeng personal, maghanap
ng away, magbulalas ng personal na galit o maghiganti sa halip na
makipangatwiran at makitunggali laban sa maling mga palagay alang-alang sa
pagkakaisa o kaunlaran o maayos na pagsasakatuparan ng gawain. Ito ay ikalimang
tipo.
6. Makarinig ng maling palagay nang hindi
sinasagot ang mga ito at makarinig pa ng kontra-rebolusyonaryong mga pahayag
nang hindi iniuulat ang mga ito, at sa halip ay pakinggan ang mga ito nang
buong kapanatagan na parang walang anumang nangyari. Ito ay ikaanim na tipo.
7. Maparoon sa masa at kaligtaang magsagawa
ng propaganda at ahitasyon o kaya’y magsalita sa mga pulong o gumawa ng
pagsisiyasat at pagtatanong sa kanila, at sa halip ay ipagwalambahala sila at
magpakitang walang pagmamalasakit sa kanilang kapakanan, at makalimot na ang
sarili ay isang Komunista at kumilos na parang karaniwang di-Komunista. Ito ay
ikapitong tipo.
8. Makitang ipinapanganib ng isang tao ang
kapakanan ng masa ngunit hindi makaramdam ng pagngingitngit, o kaya’y
pagpayuhan o pigilin siya o makipagpaliwanagan sa kanya, at sa halip ay
pabayaan siyang magpatuloy. Ito ay ikawalong tipo.
9. Kumilos nang walang sigla at walang tiyak
na balak, o patutunguhan; kumilos nang pawalambahala at magpabasta-basta—“Hanggat
mongha ka’y patugtog ka na lamang nang patugtog ng kampana.” Ito ay ikasiyam na
tipo.
10. Palagay na ang sarili’y nakapaglingkod na
nang malaki sa rebolusyon, magmalaki sa pagiging isang beterano, mamuhi sa
maliliit na gawain samantalang hindi naman kaya ang malalaking tungkulin, at
maging padaskul-daskol sa gawain at tamad sa pag-aaral. Ito ay ikasampung tipo.
11. Mabatid ang sariling mga kamalian ngunit
hindi gumawa ng anumang hakbang para iwasto ang mga iyon at maging liberal sa
sarili. Ito ay ikalabing-isang tipo.
0 mga pandadaot:
Post a Comment