I.
Lumamig na ang kape.
Sabik na ang tasa
Makaramdam ng init
At matikman ulit ang nag-aagaw na pait at tamis.
Sa panibagong timpla,
Muling hahalimuyak ang aroma sa lumang tasa.
6 Pebrero 2008
II.
Ibinilanggo na naman ako ng aking gunita
Nag-uunahan ang mga taludtod
Na mailuwal mula sa ligalig na diwa:
Sa tuwing hahalikan ko ang tasa,
Lumamig na kape ang bumabasa sa aking labi;
Ninanamnam ang pait
At hinahanap ang tamis.
Sinasariwa ang kahapon:
Ang iyong pagharana sa madaling araw
Habang inaatay ang bukang-liwayway;
Mga kislap sa ‘yong mga mata
Nang unang magyakap an gating mga palad;
Pagyapos ng iyong mga bisig
Matapos ang sandaling walang imikan.
12 Pebrero 2008
III.
Nakipagniig ang dila sa init.
At natutunan nating hipan at dahan-dahang higupin
Ang umuusok na tasa.
Kung muli mang mapaso
Hindi hadlang ang hapdi sa muling paghigop.
Sa pagsikat ng pulang araw
Kapeng barako ang ihahain sa mesa.
20 Pebrero 2008
0 mga pandadaot:
Post a Comment