AFK

on Thursday, November 18, 2010
Bukas na magsisimula ang barikada sa PUP at sa iba pang schools.


Kaya hindi ko lang alam kung kailan ko mai-uupdate ang blog na ito. :)

Laban ni Pacman

on Sunday, November 14, 2010
Ngayong araw ang laban ni Pacman. At inasahan ko na ring hihinto ang mundo ng mga tao para panuodin siya. Pero hindi ako nanuod ngayon. Nasa meeting ako buong araw. Tapos na ang replay, hindi pa tapos ang meeting ko.

Biyaheng Ewan: Pawis laban sa langis

on Saturday, November 13, 2010
“Ang sa amin lang naman, ang gobyerno ang talagang may pagkukulang sa amin lang naibubunton, pare-pareho lang naman tayong napagsasamantalahan ng sistema”

Nakaririndi na ang mga deklarasyon ng Malakanyang na umuunlad ang ekonomiya ng Pilipinas. Ngunit nananatiling hindi nararamdaman ang pag-unlad ng isang karaniwang mamamayan, ayon na rin sa resulta ng mga isinagawang sarbey at mga pag-aaral ng mga ekonomista. Sa patuloy na pagsadsad ng kabuhayan at matinding kagutuman sa bansa, dumagdag sa pasanin ng mamamayang Pilipino ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis.

Dati nasa P2.50 lamang ang pamasahe, pero dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan, naging P4.00 ito taong 1999. Hanggang umabot na sa P7.50 ang minimum fare nang taong 2005 at hanggang sa kasalukuyan (P6.00 kung ikaw ay estudyante o senior citizen) sa panunungkulan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (PGMA).

Krisis sa langis

Sa kasalukuyan, patuloy na paglobo ng presyo ng langis at iba pang produktong petrolyo. Kakulangan sa suplay ng langis ang itinuturong pangunahing dahilan na siyang nagbubunsod ng pagtataas ng presyo ng malalaking dayuhang kompanya ng langis. Ngunit ayon mismo sa Oil Market Report na inilabas ng International Energy Agency (IEA), ang mga ito ay pawang mga ispekulasyon lamang sapagkat tinatayang nasa 1.3 trilyong bariles ng reserbang langis sa mundo na sasapat upang matugunan ang pangangailan sa loob ng 42 taon.

Dagdag pa, sanhi rin ng pagtaas ng langis ay ang Gerang agresyon ng United States (US), ispekulasyon at manipulasyon sa suplay ng mga monopoly sa industriya ng langis. Tinatayang 56% ng reserbang langis ay nasa Persian Gulf na binubuo ng Bahrain, Iran, Iraq, Kuwait, Qatar, Saudi Arabia at United Arab Emirates na pangunahing pinanggagalingan ng suplay ng langis.

Kung matatandaan, nagkaroon ng giyera sa pagitan ng US at Iraq noong Marso 2003 at ang tanging dahilan nito ay ang malaking minahan ng langis sa Iraq. At kasalukuyan naman, pinupuntirya ng gobyernong US ang Iran at iba pang bansa sa Gitnang Silangan Asya.

Samantala, ang mga malalaking Transnational Corporations (TNCs) sa pangunguna ng Exxcon Mobil (US), British Petroleum (United Kingdom), Royal Dutch (UK-Netherlands), Chevron Texaco (US) at Total (France) na pawang mula sa US at Europa ang nagdidikta ng presyo ng langis sa buong mundo. Monopolyado nito ang produksyon, refinery at marketing mula sa oil fields, yankers, barges, depoy, retailers, tank trucks at maging advertising companies.



Sa pamamagitan ng taktikang ito ay kayang-kayang i-manipula ng mga TNC ang suplay ng langis ng walang kahirap-hirap.

Maging ang mga bansang kasapi ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) ay pumapasok sa kontra ng TNC sa proseso ng pagrerepina at pagbebenta. Kung kaya’t kontrolado pa rin ng TNC ang suplay ng langis at presyo nito sa pandaigdigang pamilihan na nagbubunsod ng walang humpay na paglobo ng presyo ng langis at iba pang produktong petrolyo.

Pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis sa bansa ay dahil import dependent ang Pilipinas sa langis, kartel sa industriya ng langis at deregulasyon.

Ang mga lokal na pamilihan ng langis ay kontrolado ng monopoly sa pandaigdigan ng langis. Ang Pilipinas Shell ay yunit ng Royal Dutch, ang Caltex Philippines ay pag-aari ng Chevron Texaco habang ang Petron Corporation ay 40 porsyentong pag-aari ng Saudi Aramco, kung saan may malaking impluwensya ang Exxcon Mobil.

Bago pa man makarating ang produktong petrolyo sa mga gasoline sa Pilipinas, ay sobra-sobra na ang ipinapatong na bayarin mula sa mga parent companies sa ibang bansa gaya ng royalities, mangament at service fees na ibinabalik ng mga kaalyado o affiliates.

Naging madali pa sa mga malalakig kompanya ang pagtaas ng presyo ng langis dahil sa Oil Deregulation Law (ODL) sa pamamagitan ng RA 8479 o Downstream Oil Industry Deregulation of 1998. Pinagtibay pa ang ODL ang awtoridad at karapatan ng mga lokal na kompanya na magtaas ng presyo ng langis kung hanggang saan nila naisin. Ibig sabihin, walang magagawa at walang kapangyarihan ang gobyerno na pigilan at kontrolin ang anumang pagtaas ng presyo ng langis.

Ang kalunus-lunos pa, bunga nito tinatanggal ng ODL ang limitasyon ng tubo ng mga kompanya ng langis at kapangyarihan ng Energy Regulatory Board sa pag-apruba ng presyo, upang sag anon ay mawalan ng bisa sa mga public hearing, kung saan ipinapaliwanag ang dahilan ng pagtaas at pagtanggal ng subsidy ng pamahalaan sa LPG, kerosene at diesel.

Ayon sa praymer hinggil sa presyo ng langis na inilabas ng Anakbayan, “Sa loob lamang ng 10 taon na pagpapatupad ng deregulasyon, umabot na ng 62 rounds ang pagtaas ng presyo ng langis; samantalang umabot lamang ito ng 23 rounds sa loob ng 25 taon bago maitupad ang deregulasyon.”

“Direktang apektado ang mamamayang Pilipino sa bawat pagtaas ng presyo ng langis. Sapagkat, kapag nagtaas ang halaga nito, sunud-sunod na rin ang pagtaas ng pangunahing bilihin at bayarin,” paliwanag ni Eleanor de Guzman, pambansang tagapangulo ng Anakbayan.

Pasada ng buhay

Napakalaki ng epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa bawat mamamayang Pilipino. Ang mga pangunahing dulot nito ay ang mas mataas na halaga ng produksyon, mas mabilis na pagkaubos ng reserbang dolyar ng ekonomiya, pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo at paglaki ng gastusin sa pamumuhay.

Noong nakaraang buwan ng Nobyembre, apat na beses nang nagtaas ng tinatayang P1/litro ang gasoline at krudo, P.50/litro naman para sa diesel, habang halos mahigit P13.00 naman ang average na itinaas ng bawat tangke ng LPG.

Kaya naman, ibinalik sa P7.50 ang pamasahe sa mga pampublikong sasakyan. Lahat tayo ay apektado nito at minsan ang mga drayber ang napagbubuntunan ng sisi ng mga pasahero dahil hindi batid ng iba na maging ang mga drayber ay napagsasamantalahan din.

Gaya ni tatay Judy Manalang, 36 taong gulang, may asawa at dalawang anak na pinag-aaral sa elementary. Limang taon na siyang namamasada ng dyip at sa kasalukuyan ay bumabyahe ng Cubao-Divisoria ang ruta.

“Nakakaraos naman kahit paano at napagkakasya sa mga gastos araw-araw, pero ‘di nga lang makaipon,” daing ni tatay Judy. “Iisipin pa ang boundary at dagdag pa ang mas tumaas na presyo ng gasoline,” dagdag pa niya.




Kaya ayon na rink ay tatay Judy, napipilitan silang magdagdag  ng singil sa pamasahe dahil sa sitwasyong naiipit sila. “Ang sa amin lang naman, ang gobyerno ang talagang may pagkukulang sa amin lang naibubunton, pare-pareho lang naman tayong napagsasamantalahan ng sistema,” pagtatapos ni tatay Judy.

Kasapi din sa Pasang Masda (isang asosasyon ng mga tsuper na ang ruta ay Cubao-Divisoria) si tatay Jerry, 47 taong gulang, may asawa’t anak. Sa 28 taon niyang kasama ang manibela sa paghahanap-buhay, marami na siyang naging karanasan sa kalsada.

Alas syete pa lamang ng umaga ay namamasada na si tatay Jerry. At sa maghapon na pasada, kadalasan na pupunta ang kanyang kita sa pagkakarga ng gasoline. “Sa pasada mahirap talaga, dahil tumataas (ang presyo ng gasolina),” sabi ni tatay Jerry. Ayon pa sa kaniya, malaki ang nawawala sa kanilang magtaas ang presyo ng gasolina.

Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo gawa ng Oil Deregulation Law, maraming drayber ang apektado nito. Isa pa sa pinapangamba ni tatay Jerry ay kung sakaling pumapatak na P50/L ang gasolina. “Baka wala ka na mauwi sa pamilyo mo,” nalulungkot na pahayag niya.

“Bakit hindi niya (PGMA) kaya pigilan?” tanong ni tatay Jerry sa amin. “Hindi nila naiisip ang kapakanan ng mahihirap, kasi hindi nila nararamdaman iyon,” pagtatapos ni tatay Jerry.

Tigil-Pasada

Isang buong araw na binitawan ng mga tsuper ang manibela upang makiisa sa inilunsad na tigil-pasada sa buong bansa laban sa pagtaas ng presyo ng langis sa pangunguna ng Pinagisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) noong ika-12 ng Disyembre.

“Andito ako dahil nanganganib ang kabuhayan ko at ng aking pamilya,” pakikiisa ni tatay George San Mateo, National Secretary-General ng PISTON. “Totoong walang kita ngayon, pero para sa seguridad ng kabuhayan ng aking pamilya sa hinaharap, kaya dapat kumilos ako,” paninindigan ni tatay George.

Maging ang mga kabataan mula sa miyembro ng Anakbayan, League of Filipino Students, Students Christian Movement of the Philippines, College Editors Guild of the Philippines, KARATULA, Musicians for Peace at marami pang militanteng organisasyon ng kabataan sa pamantasan at komunidad ay sumuporta din sa laban ng mga tsuper.

“Andito kaming mga kabataan, upang makiisa sa laban ng mga tsuper,” saad ni Mark Benedict Lim, Vice-Chairperson ng CEGP-NCR. “Sapagkat, dagdag pasanin na naman ng ating mga magulang ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin, bayarin, pamasahe at maging ang pagtaas ng matrikula sa ating mga pamantasan,” paliwanag ni Lim.

Ang krisis sa langis ay sangkap ng kabuuang krisis sa ekonomiya sa bansa na higit pang pinalalala ng mga patakaran at panukala ni PGMA. Ayon na rin sa Anakbayan, sa higit 6 taon niyang panunungkulan ay wala siyang ginawa upang makontrol ang pagtaas ng presyo ng langis at tila hindi rin interesado sa pagbasura sa Oil Deregulation Law dahil maging ang pamahalaan ni Arroyo at nakikinabang dito.

Ang problema sa napakataas na presyo ng langis ay manipestasyon ng pagiging papet ng kasalukuyang rehimen at pagpaprayoritisa sa dikta ng imperyalistang US, at sa huli, nararapat na tugunan nito ang mga hinaing ng mamamayang Pilipino upang hindi tuluyang malugmok sa kahirapan.###

Unang inilathala
EARIST Technozette
(Official Student Publication of EARIST)
Tomo 28, Bilang 2
December 2007

Larawan mula sa:

#education4all

on Wednesday, November 10, 2010
Don't forget to invite your friends to join our latest campaign!

______________________________________________________

Tag #education4all in your facebook status updates and include the #education4all hashtag in your tweets and plurks! 

» NO to budget cuts to state universities and colleges!

» NO to annual tuition and other fee increases!

» STOP and refund all exorbitant fee increases!

» STOP the commercialization and colonialization of EDUCATION!





Pahayagan*

“Kulay dugo ang kulay ng bawat pahayagan
Tila isang laro na lamang ba ang pagpaslang
Oh, kayraming buhay na ang nasayang
Sa walang tigil na pagyurak sa pantaong karapatan”

Ang kantang ito ang bumulaga sa akin nung una akong tumuntong sa opisina ng EARIST Technozette para mag-apply bilang apprentice noong nakaraang taon. Sa totoo lang, nanibago ako sa ambiance ng lugar at partikular sa mga awiting pinatutugtog sa kung tawagin ay pub (shortcut sa terminong publikasyon). Bago sa aking pandinig ang genre na pangkultura, kaya sa pakiwari ko wirdo ang mga staffer ng Tekno (again, shortcut ng Technozette). Bagamat hindi ko gaanong naiintindihan ang kahulugan ng kanta, tila napukaw nito ang aking atensyon.

Kahit pa medyo kinakabahan parang na-inspire ako sa kantang iyon, kaya naman ng tanungin ako ng editor na kung willing talaga akong sumali sa Tekno, hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Ang resulta, natanggap ako bilang correspondent (mas mababa sa apprentince) pero ok’s lang, pwede na rin naman kesa sa wala, at kahit ang status na ‘yun ay hindi pa talaga regular na miyembro ng pub.

Sa unang Linggo ko na pamamalagi sa Tekno, paulit-ulit kong naririnig ang kantang ‘yon, na pakiwari ko ay may napakalaking koneksyon sa publikasyon. Kaya naman, kinapalan ko na ang mukha ko at agad kong tinanong sa isang Teknopips (tawag sa mga tao sa Tekno) kung ano ang pamagat ng kanta na buong giliw niya akong sinagot ng, “Pahayagan yan, maganda diba,”Mabilis naman ang naging pagsang-ayon ko sa binanggit ng tingin ko ay nerd na pips ng Tekno.

Hay…

Talagang nakakapanibago ang buhay sa publikasyon, halos lahat na ata ng kawirduhan ay mararanasan sa lugar na ito. Pero tuwing naiisip ko na kung gaano sila naglalamay sa artiks, (tawag sa artikulo na ini-aasign ng editor) ay maituturing kong mas normal pa sila sa pangkaraniwang tao.

Sa loob ng walong buwang pamamalagi ko sa Tekno, lubos kong naintindihan kung bakit kulay dugo ang kulay ng bawat pahayagan. Ditto ko nalaman na marami na sa mga manunulat sa iba’t ibang publikasyon sa buong Pilipinas ang nagbuwis ng buhay na ang ilan sa kanila ay hindi pa ngayon nakikita. Bahagya man akong kinabahan, hindi pa rin natinag ang aking paninindigan na ipagpatuloy ang pagiging isang manunulat at kahit minsan para akong may sayad na palingon-lingon habang naglalakad, eh swempre mas maganda na yung nag-iingat.

Sa bawat araw na may nawawala at pinapatay, pakiramdam ko ay lalong nadadagdagan ang inspirasyon ko para ipagpatuloy ang kanilang nasimulan, kahit pa tumututol minsan ang magulang ko sa pagsali ko sa publikasyon. Ngayon ko napagtanto, kung bakit may mga taong bumubuhos sa kalsada para isigaw ang kanilang mga karapatan, dahil maging sila ay biktima ng mapang-aping gobyerno. Ipinaglalaban nila ang mga buhay na nasayang dahil sa walang tigil na pagyurak sa pantaong karapatan.

Salamat kay Gng. Arroyo sa pagbibigay sa amin ng tibay, lakas ng loob at inspirasyon para ipagpatuloy ang nasimulang gawain. Maaasahan niya na higit naming pag-iibayuhin ang paglilingkod sa sambayanan.

*Isang kanta na sumasalamin sa walang humpay na pagpaslang sa mga progresibong tao sa lipunan

Unang inilathala
EARIST Technozette
(Official Student Publication of EARIST)
Tomo 27, Bilang 1
Hunyo-Hulyo 2006

Emotherapy

on Monday, November 8, 2010

 Sa likod ng bangs na tumatakip sa kanilang kalahating mukha, ay ang pagtatago ng damdaming nais kumawala. Nagsisilbing panandaliang lunas ang himig ng bawat nota at liriko nito sa mga pighating damdamin ng nakikinig.

Habang sinisikap kong maaninag sa dilim ang anino ng aking mahal, ramdam ko ang pagyakap ng malamig na hangin sa ‘king buong katawan. At sa kalagitnaan ng aking kalungkutan, bigla ‘kong naitanong “emo ba ako?”

Resureksyon

Hango sa salitang emotional ang katangang emo. Ito ay isang genre ng musika kung saan patungkol sa kalungkutan ang dinadaloy ng bawat taludtod; kadalasan hinuhugot ang liriko nito sa mga personal na usapin sa pag-ibig, pamilya at maging poot.

Bago pa man mabuo ang Minor Threat (MT), isang banda na nabuo sa Washington D.C. noong ‘80s, naging bassist si Ian MacKaye ng Teen Idles pero hindi nagtagal, na disbanded ito. Simula noon, binuo nila MacKaye, Jeff Nelson (dating drummer ng Idles) at Lyle Preslar (gitarista ng Government Issue) ang MT.

Naging impluwensyal na banda ang MT sa straight-edge punk movement at sa buong daigdig. Pinangunahan ni MacKaye (bokalista ng MT) ang paglalagay ng itim na marking X sa kamay. Nagsimula ito noong wala silang 21 anyos na gustong pumasok sa mga club, kung saan bilang tagabigay ng alak. Naging palatandaan ito sa mga empleyado, na kung sino man ang may X sa kamay ay hindi umiinom ng serbesa. Ngunit hindi nagtagal, naging tanda ito bilang isang straight-edge o walang bisyo.



Ang nilalaman ng lyrics ng MT ay tungkol sa pagtutol sa pag-inom ng alak, paggamit ng pinagbabawal na gamot at panghihikayat sa mga kabataan na maging vegetarian at mag-isip para sa sarili na magkaroon ng malinis at seryosong pag-iisip. Noong 1982, naging gitarista na rin si Baker kasama ni Preslar at pinalitan siya ni Steve Hansen. Taong 1983 nang nagrekord sila ng kanilang una at nag-iisang full-length album, naging madali ang tagumpay sa kanilang career. At taong 1984 tuluyan nang nadisbanded ang MT.

Ang rites of Spring (RS) ay isang hardcore punk band na nagmula sa Washington, D.C. noong kalagitnaan ng ‘80s, matapos ang MT at kilala ang RS sa kanilang energetic na mga performance. Sina Guy Picciotto (gitarista, kompositor, bokalista), Eddie Janney (gitarista), Mike Fellows (bassist) at Brendan Canty (drummer) ang bumuo ng RS noong 1984.

Nanggaling sa sanga ng isang genreng maingay at mabilis na istilo ng emotive hardcore, ang RS. Dito, kakaiba ang musical na istraktura at lyrics nito na sinasalamin ang mga personal na isyu kaysa sa isang tipikal na hardcore na paksa tungkol sa gobyerno at lipunang ginagalawan.

Sa Inner Ear Studios nirekord ang eponymous debut album ng RS noong Pebrero 1985. Inilabas ito sa plaka noong June noong taong ding iyon bilang Dischord Records #16, at si MacKaye ng MT ang nag-produced.

Kasabay ng pag-rerelease ng album sa CD at cassette taong 1987, na may kasamang additional track mula sa same session, “Other way around”, kasama din ang apat pang kanta ng RS sa follow-up EP, All trough a life, Dischord #22. Ang orihinal na mga CD at cassette ay pinanatiling “16,” samantala, ang 1991 repress at ang 2001 remastered version ng 17 parehas na kanta ng RS ay ginawang”16CD” at binigyan ng bagong title (End on End). Enero 1986, nang tuluyan ng madisbanded ang RS.


Binuo nila Picciotto, Janney at Cant yang One last wish, kasama ng gitarista ng Embrace alumnus na si Michael Hampton (hindi siya ang lead guitarist ng Funkadelic). Hindi nagtagal, nakipagteam-up sina Picciotto at Canty kay Jose Lally (basista at dating MT), Skewbald, Egg Hunt at sa bokalista ng Embrace (dis), (hindi ito related sa embrace ngayon na nasa market) na si MacKaye sa Fugazi.

Matapos madisbanded ang RS at Embrace (dis) binuo nina MacKaye, Picciotto at Cant yang Fugazi. Ang Fugazi ang pinakamahabang emocore (pinaghalong emotional at hardcore) na banda (1986-2002). Simula noon, sunud-sunod na ang pagusbong ng maraming emocore, screamo, at emo na banda tulad ng: Heroin, Antioch, Arrow, Angel Hair, Clikatat Ikatowi, Ataris, Kids today, Promise Ring, Copeland, Dashboard Confessional, Thursday, The Used, Saosin, Matchbook Romance, My Chemical Romance, Typecast at iba pa. kinikilala din sila MacKaye at Picciotto bilang mentor ng emo genre.

Eskapismo: Sa kabilang [one]side

“Ramdam ko ang kalungkutan ng kanta. Maganda kasi ang rhythm nito at nakaka-relate ako sa lyrics,” ito ang dahilan ni Angela, 20 taong gulang na mahilig makinig sa emo songs. Dahil sa malumanay na ritmo ng kanta at sa bawat malulungkot na katagang binibigkas ng bokalista, ramdam ng mga tagapakinig ang mas pagiging emosyonal nito.

Naging maimpluwensya din ang mga miyembro ng banda sa mga tumatangkilik nito lalo na pagdating sa fashion. Kung kaya’t  naging deskripsyon din na ang isang emo ay kadalasang naka-one side ang buhok at kung minsan ay may kulay, nakasuot ng fitted shirts, skinny o sobrang igsing pantaloon at hindi kumpleto ang outfit kung hindi naka-Chucks, Vans o kahit anong bright colors na running shoes.

Halos ganito din ang get-up nila Angela at ng kaniyang mga kaibigan. “Para sa akin, may factor din ang genre na pinakikinggan mo sa fashion, kasi doon mo mas mai-express ang iyong sarili,” pahayag pa niya. “Pero hindi naman necessary na O.A. ang pormahan para masabing isa kang emo,” dagdag pa ni Angela.

Sa likod ng bangs na tumatakip sa kanilang kalahating mukha, ay ang pagtatago ng damdaming nais kumawala. Nagsisilbing panandaliang lunas ang himig ng bawat nota at liriko nito sa mga pighating damdamin ng nakikinig. Subalit sa kalaunan, ito ay naghahatid sa kaniya ng mas higit pang maging emosyonal.

Sa matagal na panahong sinakop ang Pilipinas ng mga banyaga, hindi maiiwasang mawala agad ang kolonyal na mentalidad at pagyakap sa kanluraning kultura

Dahil maraming kabataan ang nahuhumaling sa ganitong klaseng tugtugan, at dahil patok sa kabataan ang ganitong klaseng genre, kadalasang nagiging kultura ng maraming kabataan sa ngayon ang pagsasarili ng mga problema o anumang bagay na gumugulo sa kanilang isipan. Kaya madalas, magkaroon ng isang stereotype na impresyon ang ilan, at nauuwi ito sa pagbabansag na ang mga emo ay may ‘suicidal instinct’ dahil sa konteksto ng lyrics ng kanta.

“Hindi dapat maging basehan na ang emo music ang sanhi ng isang krisis sa emosyonal na aspeto ng isang tao,” opinyon ni Angela.

At ayon pa kay Angela, maaaring may kinalaman ang mga malulungkot na liriko o maging sa mga berso ng tula sa emosyon ng isang indibidwal, lalo’t higit siya ay may kinakaharap na emosyonal na krisis. Subalit tila nakakaligtaan, na ang malaking impluwensya ng kaniyang paligid ang pangunahing nagtutulak sa isang indibidwal para kilitiin ang kaniyang sariling buhay.

Sa unang tingin at sa stereotypical na impresyon ng karamihan, mas iniisip na sadyang emosyunal ang isang emo. Subalit kung susuriin, ang genreng ito ay ginagamit ng mga kulturang kanluranin alang-alang sa ekonomikal na aspeto. At dahil sa matagal na panahong sinakop ang Pilipinas ng mga banyaga, hindi maiiwasang mawala agad ang kolonyal na mentalidad at pagyakap sa kanluraning kultura.

Sinasamantala ng mga malalaking dayuhang kompanya upang gamitin ang genre tulad ng emo para kumita ng malaking ganansiya. Makikita sa industriya ng mass midya, kapansin-pansin ang mabilis na pag-usbong ng ganitong genre sa bansa, alinsunod din sa fashion nito. Dahil malaki ang impluwensya ng mass midya sa kabataan, malaking bilang ng kabataan ang patuloy na naaakit na tangkilikin ang mga produktong may kinalaman sa pagiging emo.

Ang kulturang umiiral sa ngayon, ay isa sa mga material na batayan na may krisis ating kultura sa kasalukuyan. At mula rito, nararapat na ito ang magsilbing hudyat upang ibangon ang muling pag-usbong ng kulturang Pilipino.


Unang inilathala

EARIST Technozette
(Official Student Publication of EARIST)
Tomo 28, Bilang 1
2007

Kinuha ang larawan sa

Break Time

Gusto kong uminom ng kape habang inaantay ang bukang-liwayway.



Ano naramdaman ko matapos bisitahin ang pahina mo?

Offline

on Sunday, November 7, 2010
Oras na para makipag-kwentuhan naman sa mga tao labas sa cyber world.

+Unat. Unat+

Logout.

Monumento

Napadaan ako sa Liwasang Bonifacio

Para kausapin ang isang rebolusyonaryo
                Bakit ngayon ang mga tulad mo
                mas mataas pa sa iyong monumento
                ang mga katawang pinatay?
                Kailan matatapos?

                Hanggang kailan makakamit ang katarungan?

Inantay ko ang kanyang kasagutan.







Katahimikan.

Kinomersyong Pantasya: Isang rebyu sa mga telepantasyang palabas

Mas mahaba ang oras na ating ginugugol sa pagtutok sa TV at isinasantabi ang mas mahahalagang bagay tulad ng pagsusuri at pagpuna sa mga pangyayari sa ating lipunan.

Patok na patok ngayon sa mga Pinoy ang panunuod ng mga mala-fairy tale na istorya sa telebisyon.  Mga pantasyang palabas na ang bida ay may taglay na kapangyarihan kung saan sa isang iglap ay pwedeng magawa ang imposible sa reyalidad. Tila dito ibinabatay ng mga Pilipino ang hirap ng buhay na hindi na nila alintana sapagkat naaaliw sila sa sinusubaybayang palabas.

Kasama na sa buhay ng bawat Pilipino ang panonood ng mga ito tuwing gabi, bata man o matanda. Lalo pa itong inaabangan ng mga manunuod kapag ang mga gumaganap na karakter ay ang mga iniidolo nilang popular na artista sa kasalukuyan. Kasabay ding inaantabayanan ang mga trivia questions na may kalakip na malaking halaga na papremyo.

Komiks patungong TV

Nag-ugat ang istorya ng mga pinapanuod nating mga telepantasya sa komiks. Ito ay halaw sa imahinasyon o kathang-isip, na noong dekada otsenta ay sinubaybayan ng maraming Pilipino at naging paboritong libangan ng masa.

Ang Captain Barbel, Darna, Pedro Penduko, Panday at ang pumapatok ngayong si Bakekang ay ilan lamang sa mga serye noon sa komiks na ipinapalabas ngayon sa telebisyon. Muling isinasabuhay nito ang mga karakter na may taglay na kapangyarihan na likha ng mga magagaling na kuwentista tulad halimbawa ni Mars Ravelo.



Nakakaaliw panoorin ang gaya ni Captain Barbel na sadyang pinagkagastusan ang suot na costume dahil sa gawa pa nito ng sikat na Amerikanong designer na sa katunayan ay siya ring may likha ng kasuotan ni Batman. Patok na patok na nga sa bawat pamilyang Pinoy ang ganitong mga palabas na mas kilala bilang Pantaserye.

Ang mga pantaserye ngayon ang nagsisilbing tulay ng mga manunuod sa mundo ng pantasya na kinapapalooban ng mga pangunahing tauhan. Isang mundo kung saan binubuhay ng malilikot na imahinasyon ng batikang director at teknolohiya ang mga modernong bida at kontra-bida. Sa daloy ng istorya, may bahagyang pagbabago dito mula sa mga orihinal na kasuotan ng mga bida at mapapansin din na mas makabago ang mga kapangyarihan ng mga karakter na nakakaakit sa bawat eksena dala ng mga mas advance na special effects.

Komersyalisasyon sa likod ng istorya

Madalas, hindi natin napapansin na habang tumatagal ay mas lalo nating kinasasabikan ang bawat eksena. Naiinis tayo kapag nasa climax na ng eksena at biglang magkakaroon ng patalastas, kung minsan naman napag-aantay o tumitigil pa tayo sa pagkain ng hapunan. Ganito kalakas ang impak ng mga pantaserye ngayon.

Tuwang-tuwa tayo sa ating mga pinapanood, kinikilig kapag ang mga sikat na love teams sa showbiz ang pinagpapareha sa mga ito. patuloy nitong pinupukaw ang imahinasyon ng bawat manonood. Sa kalaunan, hindi lamang ang palabas ang tinatangkilik ng mga Pinoy, kundi pinagkakagastusan na rin  nila ngayon ang mga memorabilia na may kinalaman sa paborito nilang pantaserye. Makikita ang mga karakter nito na naka-imprenta sa mga damit, mug at bag na ginagawang pang-akit sa mga kabataan upang higit na mabenta ang produkto.



Ang ABS-CBN, GMA at iba pang malalaking istasyon sa telebisyon ang tumatabo ng malaki sa mga pantaserye dahil sa pagkokomersyo ng mga ito hindi lamang sa ating bansa kundi pati na rin sa mga Pinoy sa ibang bansa na sumusubaybay dito. Kaya naman walang humpay ang mga istasyong ito sa pagpapataasan ng rating bawat araw. Mas mataas ang rating, mas maraming kumpanya ang magkakandarapa para i-advertise ang kanilang produkto sa nasabing programa.

Mapapansin na halos mas mahaba pa ang oras para sa mga patalastas kaysa istorya. Dito, siguradong nagkakamal ng malaking ganansya ang mga kapitalistang may-ari ng mga istasyon.

Tunggalian sa loob at labas ng telebisyon

Di man aminin ng bawat Pinoy, ang kinaaaliwan nating telepantasya ay malayung-malayo sa reyalidad. Dito, maaaring gumamit ng mahika ang bida para gawin ang anumang gustuhin nito. Kahit na minsan sumasalamin sa isang karakter ang mga pangyayari sa totoong buhay, nagsisilbing pang-akit lamang ito sa maraming manunuod upang tangkilikin ang kanilang palabas.

Sa panahon ng modernong teknolohiya, masasabing high-tech ang mga palabas ngayon, isa pa ring dahilan upang mas malaking bilang pa ng masang Pinoy ang mahumaling dito.

Sa pagbabagong ito, ipinapakita na sinasapawan na ng kulturang dayuhan ang kulturang Pilipino. Gawa ng makabagong teknolohiya, naging kolonyalisado na rin an gating mga bida. Nagagawang palitan ang mga super powers ng bida na katulad ng sa banyagang super heroes, di katulad ng dati na sa simpleng paglunok ng bato at pagtaas ng barbell ay nakakapagpalit-anyo na ang mga bida.

Unti-unting ding inaagaw nito an gating atensyon mula sa mga mas importante at kapaki-pakinabang na mga bagay na dapat nating unahin. Mistulang ginagawa tayong mga bata sa paulit-ulit at halos pare-parehong takbo ng istorya ng mga pantaserye. Pinapaliit nito ang ating mundo, dahil sa ating panunuod ay kinukulong tayo nito sa apat na sulok ng telebisyon na kung saan patuloy na tinatapakan ng mga mahika ang tunay na kundisyon ng ating buhay sa reyalidad.




Mas mahaba ang oras na ating ginugugol sa pagtutok sa TV at isinasantabi ang mas mahahalagang bagay tulad ng pagsusuri at pagpuna sa mga pangyayari sa ating lipunan.

Mapapansing bukod sa nagiging biktima tayo ng komersyalismo, isa rin itong malinaw na indikasyon ng pagtatago ng tunay na kalagayan ng ating bansa at lipunan. Tahasan nitong tinatakpan ang kahirapan ng buhay at kawalan ng kakayahang magkaroon ng mas mataas na antas ng pamumuhay ng bawat manunuod sa pamamagitan ng mga mahikang taglay ng mga tauhan.

Sa kalaunan, ang bawat manunuod ay tuluyan nang tumatakas sa reyalidad. Imbes na mamulat ang pananaw sa mga kaganapan at kapangyarihang nasa likod ng kanilang paghihirap at sa bulok na sistemang umiiral sa lipunan. Nanatiling bingi at bulag ang mga ito sa katotohanan. Sa terminong sosyal at pangkomunikasyon, ang tawag dito ay “escapist” mentality.

Unang inilathala
EARIST Technozette
(Official Student Publication of EARIST)
Tomo 27, Bilang 2
Agosto 2006 


Photo Courtesy:
Family watching TV
cartoon TV
liwayway comics

ROTC: Sa likod ng camouflage

Ang pag-iimplementa ng ROTC bago pa man ito palitan ng CWTS at LTS, ay isa lamang counter-insurgency na ideya sa loob ng kampus.

Ang usaping pag-aabolish sa Reserved Officers Training Course (ROTC) ay mabigat na pinagdedebatihan sa kasalukuyan. Bago pa man naisiwalat ni Mark Chua ang katiwaliang nangyayari sa loob ng ROTC, marami nang pagtatangka ang ginawa upang tuluyan nang mapawalang bias ang rekisito sa pagkuha nito.

Unti-unti itong nababalewala dahil sa ‘di pagtangkilik dito ng maraming estudyante. Isa sa mga posibleng dahilan dito ay ang hirap na dinadaraanan ng isang kadete sa ilalim ng military training, isang beses sa isang linggo. kasama ditto ang mahabang oras na pagbibilad sa araw at walang katapusang demerits sa bawat maling galaw nila, kasama na ang mga alegasyong may hazing na ginagawa diumano sa mga baguhang kadete.

Ano nga ba ang tunay na dahilan kung bakit nalalagas ag mga miyembro ng sinasabi nilang mga kabataang tagapagtanggol ng ating bansa?

ROTC bilang opsyunal

Ika-5 ng Marso taong 2001, nang kidnapin at patayin si Marck Chua, isang estudyante at Sergeant Officer ng ROTC sa University of Sto. Thomas (UST) matapos ang kanyang exposѐ tungkol sa panunuhol korapsyong ginagawa ng ilang matataas na opisyal ng ROTC sa kanilang unibersidad.

Noong taon ding iyon, ilang buwan matapos ang insidente, isinulong ng ilang sektor ang pagpapawalang bisa sa ROTC Program. Ito ang naging resulta ng pagsilang ng National Service Training Program na may tatlong sangkap, ang ROTC, Literacy Training Service (LTS) at Civic Welfare Training Service (CWTS) sa ilalim ng Republic Act 9163 (National Service Training Program Act of 2001) na inaprubahan ni Pangulong Arroyo.

Ang mga mag-aaral ay maaaring pumili alinman sa tatlong bagong programa. Malinaw na nakasaad sa nasabing batas, Establishment of the NSTP, “…(1) the Reserved Officer’s Training Corps (ROTC), which is hereby made optional and voluntary upon, the effectively of this Act…” kung saan mariing binigyang pansin dito na opsyonal at kusang-loob ang pagpili sa ROTC. Agad itong ipinatupad sa lahat ng paaralan bilang pangunahing rekisito upang makapagtapos sa kanilang napiling kurso, teknikal man o bokasyonal.

Pero ilang mga estudyante ang hindi rin nagkakaroon ng pagkakataong pumili rin nagkakaroon ng pagkakatong pumili sapagkat pagdating ng enrolment, sinasabing sarado at ubos na ang slots para sa CWTS na nagiging dahilan kaya napipilitan ang ilang na kunin ang ROTC. Sa isang panayam ng EARIST-Technozette (ET) kay Mike Anthony Solo, ROTC Company Commander sa EARIST, nakumpirma ngang bumababa na ang bilang ng mga nag-eenrol ng ROTC dahil sa mas maraming kumukuha sa CWTS at LTS.

Student Intelligence Network (SIN)

Ang CWTS at LTS nga ba ang tunay na dahilan kung bakit bumababa ang bilang ng kumukuha ng ROTC?

Ayon sa Tanggulan Network, isang alyansa ng mga kabataan na nagtataguyod ng human rights and civil liberties, ang pag-iimplementa ng ROTC bago pa man ito palitan ng CWTS at LTS, ay isa lamang counter-insurgency na ideya sa loob ng kampus. Napatuyan din na sa ilalim ng pamamalakad ng ROTC nagkakaroon ng Student Intelligence Network (SIN) na kung saan ang pangunahing gawain nito ay maniktik sa mga organisasyon sa loob ng paaralan. Ito ay sa pamamagitan ng pagtatalaga ng Department of Military Science and Tactics (DMST) unit sa loob ng mga paaralan, nang walang konsultasyon sa school administration.

Binigyan diin ng Tanggulan na nagsimula ang pag-rerecruit ng mga kadete ng ROTC para maging SIN noong taong 2001. Sila ay obligado at inaatasang mag-report, kilalanin at pumasok sa mga tukoy na organisasyon sa mga activist-hotbeds ng mga paaralan tulad ng University of the Philippines (UP) at Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Dagdag pa, ibinunyag din ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), isang alyansa ng publikasyong pangkolehiyo, na ang SIN ay isang sikretong element ng ROTC na siyang nagbabantay sa mga militanteng organisasyon katulad ng Anakbayan, League of Filipino Students (LFS), kabilang ang mga fraternities, councils at mga publikasyon.

Ang mga DMST units, bilang lokal na headquarters ng ROTC sa loob ng kampus, ang nagsisilbing kuta para madaling mabantayan ang mga nasabing organisasyon at publikasyon. Dito palihim nilang tinitiktikan ang bawat galaw at mga planong aktibidad ng mga militanteng grupo ng kabataan sa loob ng mga paaralan.

Katotohanan sa likod ng ROTC

Ang kaso ni Mark Chua at pagkakaroon ng SIN sa mga paaralan ay isa sa mga mabigat at pangunahing dahilan para puspusang i-abolish ang ROTC. Kung mananatali ang ROTC ito ay nangangahulugan lamang na mas lalakas ang presensya ng military sa loob ng mga pampubliko at pribadong paaralan.

Gayun din ang pagkakaroon ng mas malakas ng puwersa ng SIN na siyang kamay ng militar para magmasid at kumuha ng mga personal na impormasyon ng mga tipikal na estudyante, janitors, mga guro at lider-estudyante lalo na kapag sila ay may inilulunsad na mga aktibidad at programa.

Disiplina at pagka-makabayan ang mga pangunahing layon na nais itatak sa bawat estudyante na sumasailalim ng ROTC. Ngunit tila hindi ito ang natututunan nila matapos ang dalawang semestre sa military training dahil ayon kay Fr. Rolando dela Rosa ng Order of Priests at dating rector ng UST, “The ROTC has outlived its usefulness. As its name suggests it is a course for “reserved officers” but now resembles an obedience school for the canine spieces. Like Pavlov’s conditioning their dogs, accompanied with a threat of punishment, like push-ups, squats or squat thrust.”

Aniya patunay lamang na hindi patriyotismo ang natututunan ng bawat kadete, kundi takot at pagsunod sa mas mataas ang ranggo sa kanila. Dagdag pa ni Fr. Dela Rosa, “Besides these, they also learn the tricks and trade of bribery, graft and corruption and a foretaste of military brutality.”

Kung pag-aaralan, sa halip na pagtuunan ng gobyerno ang pagsulong ng de-kalidad na edukasyon sa paglalaan ng mas mataas badyet, malinaw na nagagamit ang ROTC sa mga pansariling interes ng mga namamahala sa gobyerno upang tiktikan ang mga organisasyong kritikal na nagsisiwalat ng mga kabulukan dito.

Akda nina:
Anna Tolentino
Julie Ann Gebuilaguin

Unang inilathala
EARIST Technozette
(Official Student Publication of EARIST)
Tomo 27, Bilang 2
Agosto 2006

KOMUNISTA[yl]

Napapabansot ang kanilang ipinaglalaban at napapalabnaw ang konsepto ng dalawa bilang mga popular na mga lider-rebolusyonaryo dahil kung sino pa ang pangunahing taong nagtataguyod na ibagsak ang kapitalismo sa kanilang bansa ay sila pa ang ginagamit ng mga kapitalista.


Nakakatuwang isipin, patok sa mga kabataan ang imahe nina Mao Tse Tsung at Che Guevarra. Sa murang halaga makakabili sa mga bangketa ng body bag, t-shirt, pin button, sombrero at mug na may nakaimprentang mukha nila.

Pero ang nakakalungkot dito, kapag tinanong mo kung sino ang mga mukha sa kanilang gamit, pangalan lang tanging maisasagot nila.

Tunay na mukha nina Mao at Che

Si Mao Tse Tung o mas kilala bilang Mao na taga-Shaoshan, Hunan isa sa mga probinsiya sa Tsina ay nagmula sa pamilya ng mga pesante, ipinanganak noong Disyembre 26, 1893.

Sa edad na 27 sumapi siya sa 1st Congress of the Chinese Communist Party (CCP) sa Shanghai noong Hulyo 1921. Sina Li-Tao Chao at Chen Tu-Hsui, ang dalawang taong may malaking impluwensya sa kaniyang paniniwala, prinsipyo sa buhay at nagtatag ng CCP na kaniyang pinamunuan.

Noong Oktubre 1934, nagsimula ang kanyang pagmamartsa simula Timog-Silangan hanggang Hilagang-Kanlurang Tsina at tinawag ni Mao itong “Long March”. Ang pagiging agresibo ng Japan noong 1937 laban sa Tsina ay siyang nagbigay daan upang magkaisa ang CCP laban sa nasyonalistang puwersa ng Koumintang.







Nagbuo din si Mao ng isang hukbo na kung saan hinihikayat niya ang mga manggagawa at pesante na mag-alsa na tinawag na Autumn Harvest Upspring. Subalit ito ay nabigo, kaya napilitan siyang bumalik sa kabundukan ng Chingkangsa at nahimok na magtatag ng panibagong pag-aalsa na sa kalaunan ay kanilang napagtagumpayan.

Ang pakikibahagi ni Mao sa giyera laban sa Hapon, Digmaang Sibil sa Tsina, ang pagkakatatag ng People’s Republic of China noong Oktubre 1, 1949, ang Great Leap Forward (1958-62) kung saan humigit kumulang 30 Milyon na Tsino ang nagbuwis ng buhay para sa rebolusyong Tsina, ang Great Proletarian Cultural Revolution (1966) kung saan sinasanay dito ang mga bagong henerasyon na maging isang rebolusyonaryo at ang Cultural Revolution ay ilan lamang sa mga malaking kontribusyon niya sa kasaysayan ng Tsina hanggang sa mamatay sa pakikipaglaban noong Setyembre 9, 1976.

Katulad ni Mao, Marxista, lider-rebolusyonaryo at isang gerilya naman si Che Guevarra o Ernesto Rafael de la Serna Guevarra sa tunay na pangalan. Sinilang sa Rosario, Argentina noong Hunyo 4, 1928. Kumuha at nagtapos ng kursong medisina sa University of Buenos Aires Medical School noong 1953.

Dahil nakita niya ang tunay na kalagayan at paghihirap ng kaniyang kababayan naglakbay siya noong 1951 sa Sentral at Timog Amerika at ito ang nagpatindi sa kanyang pag-aaral tungkol sa mga teorya ni Karl Marx at napabilang sa Guatemala’s Social Revolution sa ilalim ng hukbo ni Presidente Jacobo Arbenz Guzman.

Taong 1959 nagtagumpay ang mga mamamayan sa pagpapabagsak sa diktaturyang Fulgencio Batista ng Cuba kung saan pinasimulan nila ni Fidel Alejandro Castro Ruz, dating punong ministro sa Cuba noong 1961. Nagsilbi siyang isang doktor at hindi naglaon naging kumandante ng rebolusyon.




Sinuportahan niya ang rebolusyon at dinadala ng taktika ng gerilya sa Congo ngunit nasubaybayan ng US Army Special Forces ang bawat operasyong militar na kanyang isinasagawa kaya hindi ito nagtagumpay. Umalis siya ng Congo para mag-ipon ng mas malakas na puwersa sa pamamagitan ng paggamit ng isang pekeng pasaporte para makarating ng Bolivia para pabagsakinang maka-US at militar na pamumuno ni Victor Paz Estenssoro, na tubong Tariha.

Sa tulong ng Central Intelligence Agency (CIA) nadakip si Che ng Bolivian Army noong ika-8 ng Oktubre 1967 hanggang sa patayin siya kinabukasan malapit sa Vallegrande na kung saan pinutol ang isang kamay para maging tanda ng kaniyang kamatayan. Makaraan ng 30 taon ibinalik ang kaniyang bangkay sa Cuba.

Komersyalisadong mga mukha

Kadalasan, maraming kabataang Pinoy ang natatali sa konseptong kung ano ang sikat, astig at kung ano ang mas sikat, mas astig. Natatabunan ng kagustuhang makasunod sa uso ang pag-alam, pag-aanalisa sa bagay na kanyang tinatangkilik.

Sina Mao at Che ay mga komunista na nagpasimula ng rebolusyon sa kani-kanilang bansa para makamit ang pagbabago. Ang pagiging popular nito sa kabataan ay nagdudulot ng malaking ganansya sa mga kapitalista at malaki din ang tansyang maging komon na lamang ito. Napapabansot ang kanilang ipinaglalaban at napapalabnaw ang konsepto ng dalawa bilang mga popular na mga lider-rebolusyonaryo dahil kung sino pa ang pangunahing taong nagtataguyod na ibagsak ang kapitalismo sa kanilang bansa ay sila pa ang ginagamit ng mga kapitalista.

Ngayong nakilala mo na ang mga mukha sa ‘yong kagamitan at nalamang sila’y mga komunista; tulad ng mga taong tinutugis ngayon ng mga military sa basbas ng all-out-war na pinaglaanan ng isang bolyong piso ng gobyerno, susuotin o gagamitin mo pa kaya ang ‘yong kung tawaging “astig” na damit, sombrero, bag, pin button at mug?

Ang pagiging astig ay wala sa porma, sa kasalukuyan, ang astig ay silang handing masaktan o mamatay alang-alang sa karapatan at pagbabago.

Unang inilathala
EARIST Technozette
(Official Student Publication of EARIST)
Tomo 27, Bilang 1
Hunyo-Hulyo 2006


Nang pilitin mo akong sumayaw

on Friday, November 5, 2010
Urong-sulong ang aming sayaw
paa ko’y mistulang nag-aalangan
sa ‘king kaparehang pinilit akong sumayaw.

urong-sulong, urong-sulong
ilang beses niya akong tinapakan.

Minabuti kong tigilan na
bago pa man mangalahati ang sayaw
at tadtarin ng kalyo ang aking talampakan.

TAMA NA!
AYOKO NA!
Sasayawin ko na lamang ang kumintang sa lansangan!